National News
Boluntaryong pagpasok ng mga 4Ps member sa SSS, hindi pabor sa ilang benepisyaryo
Isang Memorandum of Agreement (MOA) ang nilagdaan sa pagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Social Security System (SSS).
Ito raw ay para mabigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na makinabang sa mga benepisyo ng SSS.
Layon daw ng nasabing kasunduan na mabigyan ng low-cost social insurance ang nasa 4.4-M benepisyaryo ng 4Ps.
Nasa P570 ang minimum contribution na maaaring ihulog ng 4Ps member sa loob ng ilang taon.
Pero, maaari pa raw ibaba ng SSS ang halagang ito.
Ayon kay SSS, President Rolando Macasaet, “Puwede namin ibaba ‘yung P570 a month kasi para sa isang tao na miyembro (jump). Let’s say P300 kung magkano ang magiging pension niya. Ang importante after siya gumadweyt sa 4Ps program ay nakabayad na siya sa SSS para may pension na siya so that 4Ps beneficiary will not slide back to poverty.”
Nilinaw ng DSWD na boluntaryo lamang ito ay hindi ibabawas sa cash grants na ibinibigay ng ahensya sa mga benepisyaryo ng 4Ps.
Handa naman daw’ng tumulong ang DSWD upang mahikayat ang mga 4Ps member na pumasok.
Saad naman ni DSWD Sec. Rex Gatchalian, “So, the responsibility is with us to be able to explain to them the benefits of being insured and at the same time itong programang ito ay hinubog talaga ng SSS particularly for them so sayang kapag hindi nila gagamitin.”
Maganda naman daw ang hangarin ng dalawang ahensya ng gobyerno ayon sa ilang miyembro ng 4Ps.
‘Yun nga lang – hindi naman sapat ang P3-K – P4-K na ayuda na ibinibigay kada 2 buwan.
Kung sila nga raw ang tatanungin, mas ilalaan na lang nila ang pera pambili ng pagkain “Mas gagamitin nalang po na pang gastos sa bahay po (jump). Hindi na po, ipanggastos ko nalang sa araw-araw kasi kulang talaga, kulang talaga ‘yung binibigay nila sa DSWD (jump). Kung P300 na ibinigay nila ihuhulog mo lang doon, paano ‘yung pagkain araw-araw.”
Ayon sa 4Ps members, hindi na nga raw nila kayang pagkasyahin sa loob ng 15 araw ang perang nakukuha sa gobyerno paano ba naman daw kasi – walang-humpay ang pagsirit sa presyo ng mga bilihin tulad ng bigas, pambayad pa sa renta sa bahay, tubig ag kuryente “Ay ipanggastos ko nalang sa bahay. Sa isang araw gagastos ka ng mahigit limangdaang maghapon. As a 4Ps member hindi na kayo papasok sa SSS? Hindi na.”
