National News
BSP, kumpyansa na magpapatuloy ang pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas
Umaasa si Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin E. Diokno na magpapatuloy ang pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas habang ang bansa ay patuloy na nasa macro-economic fundamentals.
Ayon kay Diokno, may posibilidad na lumago sa 9.0% ang ekonomiya ng bansa gaya ng orihinal na inaasahan bago ang pandemya na mula sa dating 8.3%.
Malaking tulong din daw ang gross international reserves ng bansa na siyang magsisilbi para sa pag-import sa halos 10 buwan.
Kabilang din ang tuluy-tuloy na pag-agos ng mga business process outsourcing receipts at ang pagtaas ng foreign direct investments.
Dagdag pa ng opisyal, upang mapanatili pa ang takbo ng ekonomiya ng Pilipinas, kailangan daw na tututukan ng Bangko Sentral ang mandato nitong isulong ang financial stability.
Suportado rin ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang mga pagsisikap ng buong bansa at mga reporma sa pagbabago upang higit pang palakasin ang kakayahan ng bansa na makabangon mula sa pandemya.
Kabilang sa mga makabuluhang reporma ay ang ipinasang mga batas sa liberalisasyon ng ekonomiya na malaking tulong na buksan ang bansa sa mas maraming foreign direct investments na magpapasigla sa paglikha ng trabaho at pagpapaunlad ng ekonomiya.
Ang mga batas na ito ay ang inamyendahang Retail Trade Liberalization Act na magpapababa sa minimum paid-up capital sa mga foreign corporations mula USD 25 milyon hanggang USD 500,000.
Habang ang binagong Foreign Investments Act naman ay mag-a-allow sa mga foreign nationals na magkaroon ng micro, small, and medium enterprises.
At ang binagong Public Service Act naman ang magbibigay-daan sa hanggang 100% foreign ownership ng public services gaya ng telecommunication, railways, expressway, airports at shipping industries.
Samantala, sinabi pa ni Diokno na positibo siya sa resulta ng 2022 halalan, at inaasahan niyang sa susunod na administrasyon ay mas mapapaunlad pa ang ekonomiya ng bansa.