Connect with us

Chinese Embassy, sinagot ang isyu na may kinalaman sa umano’y pagdagsa ng Chinese students sa Cagayan

Chinese Embassy, sinagot ang isyu na may kinalaman sa umano'y pagdagsa ng Chinese students sa Cagayan

Regional

Chinese Embassy, sinagot ang isyu na may kinalaman sa umano’y pagdagsa ng Chinese students sa Cagayan

Malakas ang ugnayang pangkultura at matibay ang relasyon ng mga mamamayan ng Pilipinas at China.

Ayon sa tagapagsalita ng Chinese Embassy sa Pilipinas, ang ‘cultural & people-to-people exchanges’ ay ang pinakamatagal at progresibong bahagi ng relasyon ng Tsina at Pilipinas.

Bilang resulta, sa mga nakalipas na taon, mabilis ang naging paglago ng pagpapalitan at kooperasyong pang-edukasyon ng 2 bansa.

Ito ay sumusuporta sa isang mas malalim na pagkakaunawaan sa pagitan ng mga mamamayan nito.

Gayunpaman, ayon sa embahada, may mga indibidwal na pulitiko sa Pilipinas ang nagpapalaki ng mga isyung pandagat ng 2 bansa.

Pinalalaki rin ng mga ito ang maritime differences sa ngalan ng pambansang seguridad, upang magamit sa kanilang pampulitikang agenda at pansariling interes at pahinain ang kooperasyon ng 2 bansa.

Giit pa ng Chinese Embassy, ang walang batayang akusasyon sa educational exchanges ng Tsina at Pilipinas ay isa pang malisyosong paraan upang mag-udyok ng paghinala at pagkamuhi sa China.

Ang pahayag ng embahada ay nag-ugat sa ulat na nagsumite kamakailan ng isang resolusyon si Cagayan Rep. Joseph Lara sa Kamara kaugnay sa naturang isyu.

Binanggit dito ang umano’y nakababahalang pagtaas ng bilang ng mga mamamayang Tsino na pumupunta sa Lalawigan ng Cagayan bilang mga mag-aaral na naka-enrol sa iba’t ibang higher education institutions (HEI) mula sa nakaraan hanggang sa kasalukuyang taon.

Tinawag pa ng mambabatas na ‘serious concern’ sa pambansang seguridad ng bansa ang pagdagsa ng mga estudyanteng Tsino sa gitna ng strategic geographical location ng Cagayan at maritime dispute partikular sa West Philippine Sea (WPS).

Samantala, inihayag ni Cagayan Governor Manuel Mamba na wala siyang nakikitang banta mula sa Chinese students.

Aniya, ang intelligence community ang makapagsasabi kung banta nga ba ang mga ito sa seguridad sa bansa.

Sa katunayan, sa mga pulong kasama ang intelligence community, ani Mamba, walang natalakay na banta mula sa mga estudyanteng Tsino.

Una nang inilahad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tinitingnan nila ngayon ang “national security implications” ng napaulat na pagdagsa ng mga estudyanteng Chinese sa Cagayan.

“Any report that is given sa Armed Forces, we take it seriously.”

“So, mayroon tayo diyan how they got in the Philippines in the first place, iyong legality noong pagpasok nila dito sa bansa natin. Do they have the necessary papers? Ang sabi nga, estudyante ito, so kung mayroon ba silang student visas that are required?” ayon kay AFP, Spokesperson, Col. Francel Margareth Padilla.

Saad ni Padilla, nakikipag-ugnayan na rin ang AFP sa Bureau of Immigration (BI), Department of foreign Affairs (DFA) at Commission on Higher Education (CHED) patungkol sa isyu.

Nauna nang tiniyak ng opisina ni Gobernador Mamba na dumaan sa tamang proseso ang mga dayuhang estudyante sa Cagayan.

Binigyang diin din ng gobernador na walang diploma mill sa Cagayan, bagkus quality education ang pinaglalaban nila.

“And now that the international community recognizes their capacity it’s so unfair na sirain lang sila ng mga fake news na ito at mga fake allegations na ito. They should prove na may diploma mill kami dito, wala pong diploma mill na alam namin dito na mga college ang universities,” saad ni Gov. Manuel Mamba.

May paglilinaw naman si Mamba tungkol sa bilang ng mga Chinese student na nasa Lalawigan ng Cagayan.

“Pero, exaggerated po kasi ‘yung mga figures, sabi nilang limang libu that is not true po, 473 as of yesterday po ang count namin. Kasi iisa lang po ‘yung mga Chinese… dito isang unibersidad palang the St. Paul University palang sila naka-enrol. But we have a lot of nationality dito, may Indonesian kami meron ding mga Indians, may mga Africans po din dito,” pahayag pa ni Gov. Mamba.

More in Regional

Latest News

To Top