National News
Chinese vessels na iligal na nakapasok sa teritoryo ng bansa, pinalayas ng PCG
Pinalayas ng Philippine Coast Guard (PCG) BRP Cabra (MRRV-4409) ang 7 barko ng mga China sa bahagi ng Philippine Exclusive Economic Zone (EEZ).
Sinita sa pamamagitan ng radio communication habang kasagsagan ang isinasagawang joint maritime exercise ng PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Sabina Shoal noong ika-27 ng Abril 2021.
Matatagpuan ang Sabina Shoal sa bahagi ng humigit-kumulang 73 milya mula sa Mapankal Point, Rizal, Palawan.
Ayon sa tagapagsalita ng PCG na si LT. Commodore Armando Balilo, bandang 9:00 ng umaga nang namataan ng BRP Cabra (MRRV-4409), MCS-3002, at MCS-3004 ang 7 ‘unidentified foreign vessel’ na naka-angkla sa gitna ng karagatan.
Sinabi ng PCG sa mga hindi kilalang barko na nasa loob ito ng EEZ, “This is Philippine Coast Guard BRP Cabra (MRRV-4409). You are within Philippine exclusive economic zone. You are requested to provide the following: name of vessel, intention, last and next port of call on Channel 16.”
Ngunit kalauna ay napag-alamang mga China Maritime Militia Vessel (CMMV) ang mga barko.
Sa pamamagitan ng radio, gumawa ng komunikasyon ang PCG sa mga ito para ipahayag na ang Sabina Shoal ay bahagi ng EEZ ng Pilipinas.
Ngunit ng hindi makasagot ang mga nasabing barko makalipas ang tatlong beses na pagsita sa pamamagitan ng radio communication, ay walang alinlangan na nilapitan ng PCG ang mga CMMV at wala nang magawa pa kundi ang lisanin ang bisinidad.
Ngunit hindi lang hanggang doon ang ginawa ng PCG, dahil para masiguro na talagang lilisanin nila ang lugar ay sinundan ito ng PCG at BFAR ang paglalayag ng mga barko para masigurong tuluyang aalis ang mga CMMV sa Sabina Shoal na sakop ng bansa.
