National News
CICC, pinabibilis ang kongreso sa pagpasa ng isang batas na magre-regulate sa AI kasunod ng deepfake audio ni Marcos Jr.
Una nang nagbabala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pagdami ng mga deepfakes sa papalapit na halalan sa 2025.
Iyan ay matapos kumalat online ang umano’y deepfake audio ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nag-uutos na atakihin ang isang bansa.
Dahil dito, pinabibilis ng Cybercrime Investigation at Coordinating Center (CICC) sa Kongreso ang pagpasa ng batas na magre-regulate sa artificial intelligence (AI).
Aminado si CICC Usec. Alexander Ramos na limitado ang resources ng gobyerno pagdating sa isyung ito at kung wala aniyang batas ay talagang mahirap.
“Sana naman bilis-bilisan nila. Ang technology ay mabilis mag-evolve. Dapat mayroon ding paraan ang Kongreso natin na pumasa to keep up with the technology trends kasi importante iyan eh,” ayon kay Executive Director, CICC, Usec. Alexander Ramos.
Patuloy na inaalam ng CICC at iba pang ahensya ng gobyerno ang nasa likod ng nasabing deepfake audio.
Ayon sa CICC, walang tigil ang pakikipag-ugnayan nila sa Google para matunton ang mga account na ginamit sa pag-post at pagpapakalat ng naturang audio.
“We are working with Google to identify kung sino ‘yung nagregister nun. We are at that stage right now kasi ang Youtube nasa kanila na rin,” dagdag pa nito.
“We just need the registry. We need the logs who sent it, who created accounts, ‘yun ang kailangan natin madevelop eh,” ani Ramos.
Iginiit naman ng ahensya na walang kinalaman ang anumang bansa sa deepfake audio ni Marcos.
Iyan ay matapos na itanong na kung may kinalaman ba ang bansang Tsina rito.
“Malamang hindi siya bansa.”
“So, obviously tao siya, you don’t run after a whole country. You have to really find out, kung sino iyong taong gumawa niyan, kung ano ang ginamit niyang plataporma,” saad naman ni Deputy Executive Director, CICC, Asec. Mary Rose Magsaysay.
“Pwede mo kasing i-mask ang iyong origin eh and it will take a while for us to really to dig deep kung saan talaga ang originating center nito,” pahayag pa ni Usec. Ramos.
Paalala naman ng CICC sa publiko na huwag agad magpaniwala sa mga lumalabas na anumang napapanood na video o napapakinggan na audio online.