National News
CIDG chief Torre, nahaharap sa kasong kriminal
Nahaharap ngayon ang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na si Director Maj. Gen. Nicolas Torre III sa mga kasong kriminal.
Dahil ito sa ilegal na pagkulong sa 1 negosyante sa loob ng 6 na araw base lamang sa photocopy ng red notice mula sa International Police Organization (Interpol).
Sa ulat, noong Marso nang magsampa ng reklamo ang isang Rotchelle Calle laban kay Torre at 9 na iba pang opisyal ng CIDG para sa unlawful arrest at arbitrary detention.
Nakasaad sa reklamo ni Calle na ilegal siyang ikinulong ni Torre simula Nobyembre 21 – 27, 2024 matapos maglabas ang Interpol ng red notice laban sa kanya noong Mayo 2, 2023.
Ang red notice ay nag-ugat naman sa kasong inihain laban kay Calle ng kanyang dating kasosyong si Abdulmalek Alshihhim sa United Arab Emirates.
Nang isilbi na ang red notice sa kanya noong Nobyembre 19, 2024 ay sinabi umano ng mga tauhan ng CIDG na hindi siya dadalhin sa Bureau of Immigration (BI) kung magbibigay ng pamasko.
Ngunit tumanggi si Calle rito kung kaya’t pagkaraan ng 2 araw ay 7 tauhan ng CIDG ang umaresto sa kanya sa City Hall sa Makati.
Habang nakakulong, ay nakaranas ang negosyanteng si Calle ng hindi makataong kalagayan.
Nobyembre 26 na sa isang liham nanawagan ang Public Attorney’s Office (PAO)-Quezon City kay Torre na palayain na si Calle dahil wala pang naipapakitang kautusan ng korte o warrant of arrest mula sa mga awtoridad sa Pilipinas o sa UAE.
Nang makalaya na ay pinapirma umano si Calle sa isang salaysay na nagsasaad na kusa siyang sumuko sa mga pulis.
Samantala, hindi dumalo si Torre at ang kanyang mga tauhan sa itinakdang preliminary investigation ng piskalya ng Makati noong Abril 21 at 28, 2025.
