National News
CITIRA law, ipinanawagan na maaprubahan bago matapos ang buwan ng Marso
Pina-aaprubahan ni Albay Rep. at House Committee Ways and Means Chairman Joey Salceda ang Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act (CITIRA) bago umabot sa buwan ng Marso.
Ayon kay Salceda, dapat na maipasa na ng Kongreso ang CITIRA bago mag March 2020 upang maramdaman na ang benepisyo nito sa ekonomiya.
Paliwanag ni Salceda, malaki ang magiging papel ng CITIRA law para makamit ng Duterte administration ang A credit rating. Kapag umabot na sa A ang rating ng bansa mula sa kasalukuyang BBB+ rating na binigay ng Standard and Poor’s noong 2019, mangangahulugan ito ng sustainable financial commitments at balanseng paglago ng ekonomiya.
Sakaling maisabatas ang panukala, aabot sa 6.8% hanggang 7% ang economic growth ng Pilipinas dahil sa pagpasok ng mga foreign at local investors sa bansa.
Kapag nangyari ito, nasa P1.25 Trillion ang kikitain ng bansa sa susunod na taon habang nasa 1.5 million ang mga malilikhang trabaho nito para sa mga Pilipino.
Sa huli, giit ni Salceda na sa ilalim ng CITIRA o package 2 ng tax reform program ng Duterte administration, pinababawasan ang corporate income tax ng mga korporasyon o mga negosyo sa 20% mula sa 30% na magiging daan para makaakit pa ng mga mamumuhunan sa bansa.