Connect with us

COA Chairman, itinangging may overpricing sa biniling pandemic supplies

Breaking News

COA Chairman, itinangging may overpricing sa biniling pandemic supplies

Itinanggi ng Commission on Audit sa isinagawang hearing sa Kamara na sinabi nila na may overpricing sa biniling pandemic supplies ng Department of Budget and Management-Procurement Service (PS-DBM) kabilang na ang transaction nito sa Pharmally Pharmaceutical Corp.

Ito ang nilinaw ni COA Chairman Michael Aguinaldo sa pagharap nito sa House Committee on Good Government and Public Accountability na pinangunahan ni DIWA Party-list Rep. Michael Aglipay.

Binigyang-diin ni Aguinaldo na wala sa kanilang COA report ang statement na may overpricing sa naturang procurement kundi observations lang hinggil sa inventory management.

“Ang masasabi ko lang po is wala po sa CoA report ng PS-DBM ang statement na may overpricing po, there’s no statement to that. The observations relate more to inventory management than overpricing,” saad ni Aguinaldo.

“So hindi po tama na sabihing ang CoA ang nagsabi na may overpriced, kasi wala po sinabi ‘yon.  Anyway, nandito po kami to be able to provide clarification to any of the questions the committee members will ask,” dagdag pa nito.

At kaya aniya sila nagpakita sa Kamara para linawin ang naturang isyu.

Matatandaan na sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ipinakitang nasa P8.7-B pondo ang umano’y napunta sa Pharmally na may P625,000 lang na capital para sa pandemic items tulad ng mga facemasks na tinukoy na ‘overpriced’.

Dagdag pa ni  Aguinaldo, sa bisa ng Bayanihan 1, ang hinihiling lamang sa PS-DBM ay tiyakin na mabibili ang mga PPEs sa “most advantageous” price at ma-deliver ang mga ito sa lalong madaling panahon.

Malinaw din aniya sa Bayanihan 1 na pinapayagan ang negosasyon kahit sa iisang kompanya lamang at hindi ang nakasanayan na tatlong kompanya.

Samantala, nilinaw ni Overall Deputy Ombudsman Warren Liong, dating director for procurement ng PS-DBM na sa ilalim ng Bayanihan 1, naging basehan nila sa pagpili ang kakayanang makapag-deliver sa lalong madaling panahon  sa pinakamababang presyo base sa mga quotation na nakuha  at compliant sa technical specification ng  DOH.

Hindi rin aniya totoo ang alegasyon na mayroong “ghost deliveries” ng mga face masks mula sa kompanyang Pharmally.

Lahat aniya ng 100 milyong piraso na binili nila sa Pharmally ay natanggap na ng pamahalaan, at makakapagpatunay aniya rito ang Department Of Health (DOH) at IATF sapagkat sila mismo ang namahagi ng mga ito.

Dagdag pa ni Liong  hindi overpricing ang ibinigay na kontrata sa Pharmally dahil nagkaroon aniya ng price freeze sa face mask ang DOH nang binili ito na nasa P28 lamang.

Naaayon din aniya ang batas ang kanilang pagbili ng medical items dahil itinuturing itong emergency procurement sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act of 2020.

“Under Bayanihan 1 we were allowed to directly negotiate but we still underwent market price analysis. Pinili po natin ‘yung mga kayang makapag-deliver agad or at least at the nearest possible time, pinakamababang presyo base sa mga quotation na nakuha sa mga suppliers na kayang mag-deliver sa tamang oras and dapat po compliant sa technical specification ng DoH,” paliwanag ni Liong.

More in Breaking News

Latest News

To Top