National News
Code red alert, itinaas na ng DOH sa COVID-19
Itinaas na ng Department of Health (DOH) sa “Code Red, Sub-Level 1” ang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) kasabay ng pagkumpirma na may kaso na ng local transmission sa bansa.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, ang pagtataas sa nasabing alert level ay preemptive call upang makatiyak na ang national, local governments at public, private health care providers ay makapaghanda sa posibleng pagtaas ng kaso.
Dahil sa pagtaas ng kaso ng local transmission, inirekomenda ng DOH sa Malakanyang ang pagdedeklara ng State of Public Health Emergency para maisagawa at mas mapag-ibayo pa ang paghahanda sa mga kakailanganing pondo, medical supplies, facilities para sa quarantine measures, hospital defenses at pagpapaigting ng contacts tracing.
Kaugnay nito, muling umapela si Duque sa publiko na patuloy na ipraktis ang personal hygiene at iwasan ang mga pagbiyahe na hindi naman importante upang maprotektahan ang sarili.