National News
Cold storage facilities sa bansa, marami-rami subalit nakareserba sa traders — grupo ng magsasaka
Marami-rami ang cold storage facilities subalit naka-reserba na ang mga ito sa traders bago pa mangyari ang anihan.
Sa panayam ng Sonshine Radio kay Elvin Laceda, CEO at farmer ng Riceup Farmers Inc., ito ang isa sa rason kung bakit napipilitan ang mga maliliit na magsasaka na ibenta sa mababang halaga ang kanilang mga produkto sa traders.
“Kung tutuusin sir marami naman pong mga cold sorages, pero ang sistema kasi sir bago pa man mag-ani may mga reservations na ‘yan sir. Minsan mas marami pang mga naka-reserve sa mga traders kaysa sa maliliit na magsasaka, kaya ang choice ni farmer pagkaharvest dapat makahanap na siya ng traders. Kasi wala na siyang pag-iimbakan, mabubulok ‘yung kanyang produkto. Kaya napipilitan silang mura nalang ibenta, dahil wala pong storage. Pero ngayon naman sabi naman po ng Department of Agriculture (DA), magtatayo po sila this year. So hopefully po matatapos ‘yan this year po,” ayon kay Elvin Laceda, CEO at farmer ng Riceup Farmers Inc.,
Inamin ni Laceda na kung matutukan at masuportahan lang ang mga magsasaka ng sibuyas ay naabot at nakukuha nilang makapag-produce ng mahigit 200-k metric tons na kinakailangang suplay para sa bansa.
Iilan sa mga lugar na malaki ang produksyon ng sibuyas ay ang Nueva Ecija, Occidental Mindoro, Iloilo, Pangasinan, at Tarlac.
Samantala, dumating na noong Biyernes, Enero 20, 2023 ang ilang metriko toneladang sibuyas na inangkat ng Pilipinas.
Bahagi ito ng higit 21,000 metriko tonelada ng sibuyas na inaprubahang angkatin ng Department of Agriculture na layong mapababa ang presyo nito sa merkado.