Connect with us

Comelec, pursigidong ituloy ang internet voting sa 2025 elections

Comelec, pursigidong ituloy ang internet voting sa 2025 elections

National News

Comelec, pursigidong ituloy ang internet voting sa 2025 elections

May agam-agam si Senate Minority Floor Leader Sen. Koko Pimentel sa balak ng Commission on Election (Comelec) na gumamit ng online platform para sa pagboto ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa 2025 midterm elections.

Ayon kay Pimentel, walang batas na sumusuporta para sa paggamit ng internet sa pagboto.

“I have serious reservation. We really need a law if we are to adopt internet voting… It’s good we do things correctly. With legal basis,” ayon kay Sen. Aquilino Pimentel III.

Pero ang Comelec, pursigidong ituloy ang online voting.

Ayon kay Comelec Chair Atty. George Garcia, maliban sa wala namang batas para dito ay wala rin namang kumukwestiyon dito sa harap ng Korte Suprema.

“Tinimbang po namin ‘yung lahat ng implikasyon, lahat ng mga pwedeng mangyari at kinakailangan pong magtuloy kami sa aming internet voting sapagkat ‘yung amin pong resolusyon na nagsasabing pwedeng magkaroon ng internet voting kahit walang batas ay wala namang pong kumukwestyon sa Korte Suprema. Sa palagay po natin, mas mabigat po ‘yung consequence na sasapitin kung sadya pong hindi namin itutuloy ang internet voting na sa kasalukuyan ay inaasahan na ng mga kababayan natin sa abroad,” ayon naman kay Chairman, Comelec, Atty. George Garcia.

Paglalahad nito, malaking ginhawa para sa kanila at mga overseas voter kung gagamit na lamang ng internet sa pagboto.

Makakaiwas aniya ang komisyon sa malaking gastos, at ang mga OFW hindi na kailangan pang pumunta sa mga malalayong embahada.

“Yung mga kababayan natin hindi na gagamit ng makina. Hindi na po kailangang pumunta sa mga embahada, sa mga konsulada. Gamit lamang po ang kanilang cellphones, laptops, at iPads. Lalong-lalo na iyong mga Marino, sa mga seafarers natin. Hindi kailangang dumaong sa pier, sa mga embahada pagkalalayo para makaboto.” dagdag pa ni Garcia.

“Sa mga lugar na iyon hindi narin kakailangan na magpadala ng mga envelops na naglalaman ng mga balota na usually po ay bumabalik, nagkakaroon ng return to sender sapagkat hindi tinatanggap ng mga pinapadalhan natin na dapat po ‘yun ang residente o kung saan nagtratrabaho ang mga kababayan natin. So, nasasayang po ang binabayad natin,” dagdag pa ni Garcia.

Samantala, inaprubahan naman ng lahat ng miyembro ng Comelec en banc ang pagtanggal ng substitution sa proseso ng halalan.

Ayon kay Garcia, hindi na nila papayagan ang substitution o pagpapalit ng mga kandidato pagkatapos ng huling araw ng filing ng Certificate of Candidacy (COC) puwera na lang kung namatay o nadiskwalipika ang kandidato.

“Unanimous, pumayag ang ating Commission en banc sa naging proposal ng inyong lingkod na wala ng substitution after ng last day ng filing of candidacy which is October 08 kung ang ground ay withdrawal ng candidacy,” ani Garcia.

Pwede pa ring magkaroon ng substitution kung ang reason ay dahil namatay ‘yung kandidato o na-disqualify ang kandidato, basta ‘yung papalit ay parehas ang family name at belonging to the same political party.

Paraan aniya ito para hindi malinlang ang mga tao sa pagboto.

“Kung nagnanais ka talagang magbigay ng iyong serbisyo sa publiko, hindi po ba mas maganda, kung talagang desidido ka. Ilatag mo na kaagad. Mag-file ka ng kandidatura. Kasi po minsan, hindi naman nalalaman ng ating mga kababayan na nagkaroon ng palitan, therefore ang pagkakaalam nila si A pa rin ang tumatakbo samantalang nagpalit na pala si B bilang kandidato,” aniya.

Maliban pa dito, mas mapapaaga ang pag-iimprenta ng mga balota kung wala na silang inaasikasong withdrawals at substitution.

“Hindi kaagad kami makapag-finalize ng list ng candidates and therefore nale-late ang pag-print ng balota natin. Hindi ba po mas maganda, December pa lang final na ang list ng candidates? Ang prinoproblema na lang namin ay ang mga nuisance candidacies na dapat ay i-resolve namin bago matapos ang November ng taong ito,” pahayag pa ni Garcia.

More in National News

Latest News

To Top