National News
Confi, Intel Funds, bumaba sa proposed 2025 National Budget
Mayroong makabuluhang pagbaba sa confidential and intelligence funds (CIFs) sa ilalim ng panukalang 2025 national budget kumpara sa alokasyon nito sa 2024 General Appropriations Act (GAA).
Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman, inaprubahan ng ahensiya ang kabuuang P10.29 bilyon na pondo para sa mga CIF kung saan inilaan ang P4.37B nito para sa Confidential Expenses at P5.92B para sa Intelligence Expenses.
Sa 2024 GAA, ang confidential and intelligence funds ay binigyan ng humigit-kumulang P12.38-B na alokasyon.
Inihayag ni Pangandaman na bumaba ng 16% ang alokasyon para sa confidential and intelligence funds sa 2025 National Expenditure Program (NEP) kumpara sa alokasyon nito sa 2024 GAA.
Ibinahagi ng kalihim na nakatanggap ang DBM ng kabuuang CIF budget proposal na P11.39 bilyon mula sa iba’t ibang ahensya, P5.22B nito ay para sa CF at P6.17B para sa IF.
Binigyang-diin ng budget chief na kinakailangang sundin ng mga ahensya ang mga alituntunin sa paggamit ng mga confidential and intelligence funds.
Samantalang ang Office of the President (OP) ay mayroong P4.5-bilyong confidential and intelligence fund (CIF) na alokasyon para sa panukalang 2025 national budget, na katumbas ng nakuha ng opisina noong 2023 at 2024.
Inilahad din ni Pangandaman na ang unprogrammed appropriations fund para sa fiscal year 2025 ay nasa P158.67 bilyon.
Ipinaliwanag ng kalihim na ang mga hindi naka-program na pondo ay nagsisilbing reserbang mapagkukunan na maa-access ng gobyerno bilang tugon daw sa panahon ng mga emerhensiya at hindi inaasahang pangyayari.
Sinabi naman ng kalihim na may mga hakbang na para maiwasan ang maling paggamit ng unprogrammed appropriations fund para sa fiscal year 2025.
Siniguro rin ni Pangandaman sa publiko na mayroong matatag na mga pananggalang, partikular para sa contingent fund.
Ang halagang inilaan para sa contingent fund ay nananatiling pareho sa mga nakaraang taon na nasa P13 bilyon.
Nabatid na opisyal na isinumite ng DBM ang 2025 NEP sa House of Representatives nitong ika-29 Hulyo 2025.