National News
Covaxin at Janssen COVID-19 vaccines, binigyan na ng EUA
Ginawaran na ng Food and Drug Administration (FDA) ng Emergency Use Authorization (EUA) ang Covaxin ng Bharat Biotech mula India at ang Janssen ng Johnson & Johnson’s.
Iniulat ito ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez sa Talk to the people address ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes ng gabi, ika-19 ng Abril.
May efficacy rate na 95 % para sa study population ang bakunang gawa ng Bharat at 92 % sa lahat ng lahi.
Sa isa namang twitter post, pinasalamatan ni Indian Ambassador Shambhu Kumaran ang mga opisyal ng Pamahalaang Pilipinas sa pag-apruba ng aplikasyon ng Bharat para sa EUA.
Samantala, ibinahagi naman ni FDA Director General Eric Domingo na mayroong 260 na mga bakuna kontra COVID-19 ang dinedevelop ng iba’t ibang mga bansa sa mundo.
Mula sa naturang bilang, 88 ang nasa ilalim ng clinical trial, ibig sabihin sinusubukan pa sa tao – sa phase 1, phase 2 at ang iba nasa phase 3 na sa klinikal na pagsubok.
Mula naman sa bilang na 88 na nasa clinical trial, 14 ang mayroon nang Emergency Use Authorization sa buong mundo.
Pinakamarami ang Astrazeneca pagdating sa iginawad na EUA mula 91 na mga bansa.
Pumangalawa ang Pfizer mula sa 82 na mga bansa.
Pumangatlo ang Sputnik ng Gamaleya Institute sa Russia na may EUA mula sa 62 na mga bansa.
Pang apat ang Moderna na sinundan ng Janssen at Sinopharm.