National News
COVID-19 case average sa bansa, inaasahang bababa pa sa 1,000 sa katapusan ng buwan
Nasa 1,600 ang 7-day case average ng COVID-19 sa bansa sa kasalukuyan.
Ito, ayon kay OCTA Research Fellow Dr. Guido David sa Laging Handa Public Briefing kung saan bumaba ito ng 27% kumpara noong nakaraang linggo.
Dagdag pa ni David, dahil sa patuloy na pagbaba ng kaso ng coronavirus, ay maaaring papalo na lamang sa less than 1,000 ang seven-day average sa katapusan ng buwan.
Ang reproduction number naman sa bansa ay 0.37 na lamang.
Samantala, nakapagtala ng nasa 3% na covid positivity rate ang national capital region.
Sinabi naman ni Prof. Ranjit Rye ng OCTA na nakikita nilang napapanatili ng NCR ang downward trend
Gayunpaman, binigyang diin ng OCTA ang kahalagahan ng pagpapanatili sa pagsunod sa minimum health standards upang maiwasan ang muling pagsipa ng kaso
Kaya naman, iminungkahi ni Prof. Rye na maiging malimitahan pa rin ang non-essential travel ng mga bata
Importante rin aniya na mapalakas ang immunity ng mga nakatatanda at immunocompromised individuals
Ang mga ito ay malaking tulong para mas mapigilan pa ang pagkalat ng virus at mapababa lalo ang kaso.
Kung magtutuloy ang magandang trend ng covid-19 situation, inihayag ng grupong OCTA na makakayanan ng National Capital Region na mas maluwagan pa ang restriksyon sa alert level 1 pagdating ng Disyembre.
Subalit, iginiit ng grupo na hindi pa rin dapat na magpakampante dahil naroon pa rin ang posibilidad ng bahagyang pagtaas ng coronavirus cases kapag nagpabaya sa pagsunod sa heath at safety protocol lalo’t tumataas na ang mobility.
Gayunpaman, dahil sa inaasahang mas marami pa ang mababakunahan na kontra covid, ay malayo nang maranasan muli sa metro manila ang pagsirit ng kaso kagaya ng nangyari ng mga nagdaang buwan
Noong Nobyembre 16, nakapagtala na lamang ang Department of Health (DOH) ng 849 na karagdagang kaso ng COVID-19 na pinakamababang COVID-19 cases mula noong January 17 ngayong taon. Habang kahapon, Nobyembre 17, nakapagtala naman ng 1,190 new cases ng coronavirus.