National News
Crew ng BRP Teresa Magbanua, ‘full duty status’ na
Kamakailan ay umalis sa Escoda Shoal at bumalik sa Puerto Princesa Port ang BRP Teresa Magbanua ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ito’y dahil sa masamang panahon, pagka-ubos ng mga gamit, at pagkakasakit ng ilang tauhan dahil sa kakulangan ng pagkain at tubig.
Subalit sa latest update ayon kay National Maritime Council (NMC) Spokesperson Alexander Lopez, ang mga crew na nakitang naka-dextrose nang ibaba sa barko ay nasa maayos nang kalagayan o ‘full duty status’ na ulit ngayon.
Kasalukuyang nagpapahinga lang ang mga ito habang ang iba ay binigyan ng psychological at mental rehabilitation matapos ang limang buwan na pananatili sa Escoda Shoal.
Matatandaang noong Abril pinadala ng PCG ang BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal para subaybayan ang reclamation activities ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Sa huli, binigyang-diin naman ng NMC na pananatilihin ng bansa ang presensya nito sa WPS.