National News
DA, nais magkaroon ng dagdag daungan para sa agri products
Ninanais ng Department of Agriculture (DA) na magkaroon ng 17 bagong strategic ports o daungan.
Ani DA Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., kung magkakaroon ng maraming daungan ay mapapadali na ang paggalaw ng mga produktong pang-agrikultura.
Mapapababa rin nito ang gastos sa pagdadala ng mga produkto mula sa sakahan patungo sa pamilihan.
Sa tansya, mapababa na dahil dito ang halaga ng fertilizer at mais ng hanggang 5% at nasa 10% hanggang 15% naman ang ibababa sa mga karne.
Sa Mindoro, Negros, Iloilo, Southern Albay at Southern Batangas ang tinitingnang lokasyon ng DA para sa 17 bagong daungan.
Tinatayang nasa P40.5B naman ang pondo na kailangan para dito.
Sa kabilang banda, hindi pabor ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa planong mass vaccination ng mga baboy kontra African swine fever (ASF).
Sa paliwanag ng grupo, ang ginagamit ng bansa na bakuna ay hindi pa aprubado ng World Organisation for Animal Health (WOAH).
Sa katunayan, niisang ASF vaccine ay wala pang approval mula sa nabanggit na intergovernmental organisation.
Kahit na ninanais rin nilang isali sa vaccination ang ibang lugar sa bansa na may naitalang ASF outbreak, mas mainam ayon sa SINAG na antayin na muna ang anim na buwan para makita ang resulta sa controlled vaccination na ginawa sa Lobo, Batangas.
Kung matatapos na anila ang anim na buwan at maganda naman ang resulta ay sasang-ayon na ang grupo sa mass vaccination.
Kaugnay naman nito ay inalis na ng Pilipinas ang ipinatupad na total ban sa imported poultry products mula United Kingdom.
Tanging ipatutupad nalang ng bansa ang “regionalization” o pagkakaroon ng ban sa mga partikular na lugar sa UK na may bird flu outbreak.
Dahil dito, aasahan na ang pagdami muli ng shipments ng British poultry products sa bansa.
Ipinatupad ng Pilipinas ang total ban sa importasyon ng British poultry products noong Marso 2021.