Metro News
Daan-daang PUV operators, nakahabol pa sa huling araw ng franchise consolidation – LTFRB
Humabol sa huling araw ng franchise consolidation ngayong Abril 30, ang daan-daang operator ng pampublikong dyip. Nababahala kasi sila na baka mawalan ng prangkisa at maituring na kolorum sa oras na pumasada.
Ito ang naging sitwasyon sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) NCR, araw ng Martes, ika-30 ng Abril.
Daan-daang operator ng pampublikong jeep kasi ang humabol para sa franchise consolidation deadline.
Kasama na riyan si Aling Nenita, no choice kasi siya kung hindi sumunod sa gusto ng pamahalaan.
“Kung hindi namin maibibiyahe ‘yun nakatengga kawawa, wala kaming kita. Kaya naisipan niyo po na? Humabol sa consolidation,” ayon kay PUJ Operator, Nenita.
Si Aling Mona naman na isa ring operator, maaaga ring tumungo sa LTFRB-NCR para magsumite ng kanyang requirements.
Nais kasi niyang humabol para hindi mawalan ng prangkisa na maituturing nang kolorum.
“Malaking bagay kasi simple ayusin, walang babayaran, matagal na ‘yan na parte naming mga operator. Marami ngang nalulungkot na hindi ma-extend na kahit kaunting panahon pa,” ayon naman kay PUJ Operator, Mona.
Sa panayam kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, bibigyan lamang nila ng hanggang alas 8 ng gabi ang mga aplikante para makapagsumite ng requirements.
Kakaunti na lang din aniya ang humahabol sa ilang rehiyon kumpara sa Metro Manila na dinadagsa.
“’Yung mga tao sa takot na mawalan ng prangkisa o hindi na makabiyahe ng May 1 kaya nagdagsaan na ngayon. I took advantage of this para mapabilis ‘yung proseso, sinimplify ko nalang just 1 or 2 page petition, kopya ng kooperatiba ninyo by laws ninyo, photo copy ng OR CR ninyo and then photocopy ng inyong prangkisa madali na po ‘yun,” saad ni Chairman, LTFRB, Asec. Teofilo Guadiz III.
Sa datos ng LTFRB, nasa mahigit 78% sa buong bansa ang bilang ng mga operator na nakapag-consolidate.
Halos 60% diyan ay mula sa Metro Manila.
Sabi ni Guadiz, dahil na rin sa hakbang ng ahensya, posibleng madadagdagan pa ng 2% mula sa kabuuang 80% ang nakahabol sa franchise consolidation deadline.
Bibigyan din ng 6 -9 na buwan ng ahensya ang mga operator na kailangan pang kumumpleto ng kanilang mga requirement.
Hindi na rin muna manghuhuli sa Mayo 1 ang LTFRB sa mga tsuper na hindi nakapasok sa kooperatiba bagkus ay bibigyan na lamang sila ng show cause order.
“After a week or 2 kapag wala kaming nakita na malinaw na dahilan kung bakit hindi kayo sumama sa industry consolidation ay babawin na po namin ‘yung prangkisa ninyo. By then, in the 3rd week nasa kalye na po ako titingnan ko na po ‘yung mga bumabiyahe kapag walang nakapaskil sa mga windshield ninyo na mga sticker ng LTFRB puwede namin kayo i-plugdown,” dagdag pa ni Guadiz III.
Maaari ring patawan ng 1 taong suspensyon ang tsuper at P50-K multa sa oras ma-impound ang dyip.
Pero, umaasa pa rin ang ilang transport groups tulad ng Manibela na papabor ang Korte Suprema sa hinaing nilang mga tsuper.
“Sana po magkaroon na ng TRO ang Supreme Court. Kapag may TRO tapos indefinite kung hanggang kailan ay malaking bagay ito sa amin,” pahayag naman ni President, Manibela, Mar Valbuena.
Giit ng Manibela, libu-libong mga tsuper at operator ang mawawalan ng trabaho dahil mawawalan ng prangkisa.
“Siguro ay nasa 100,000 mahigit na drayber pa lamang. Hindi rin po bababa ng 100,000 na operator so sumatotal nasa 200,000 itong mawawalan ng hanapbuhay at pamilya po na umaasa rito,” dagdag pa ni Valbuena.
Dahil dito, asahan na raw ng gobyerno ang gagawin pang malawakang tigil-pasada bilang pagtutol sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Ang grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) naman ay nagsimula na rin ng 3-araw na tigil pasada na magtatapos sa Mayo 1.
