National News
Daraga Mayor Baldo, itinurong mastermind sa pagpatay kay Batocabe
ITINURO ng Philippine National Police (PNP) si Daraga Mayor Carlwyn Baldo bilang mastermind sa pagpatay kay AKO Bicol Party-List Representative Rodel Batocabe noong Disyembre.
Nag-hire umano si Mayor Baldo ng pitong katao sa halagang limang milyon para patayin si Batocabe.
Ito ang sinabi ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde.
Nakatulong sa pagresolba ng kaso ang pagsuko ng isa sa mga suspek na ngayon ay ginawa nang witness ng PNP.
Kinilala ito na si Emanuel Judavar na nagsiwalat sa ginawang pagpaplano sa krimen.
Ayon kay Albayalde, Agosto pa noong nakaraang taon nang planuhin ang pagpatay sa kongresista na may planong tumakbo bilang alkalde ng Daraga.
Kabilang aniya sa mga suspek sa pagpatay kay Batocabe ay ilang rebel returnees, CAFGU members.
Gayundin ang isang nasibak na military personnel na nagsisilbi umanong private armed group ni Mayor Baldo.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni PNP Chief ang pagkansela sa lisensya ng mga baril ni Baldo.
At pagtanggal ng otoridad nito sa kapulisan ng Daraga, Albay.
Sinampahan na rin ng kasong double murder at anim na bilang ng kasong frustrated murder sa Albay provincial prosecutor office si Mayor Baldo.
Kabilang ang anim pang suspek sa krimen.
Pinayuhan naman ni Albayalde si Mayor Baldo na sumuko na lamang sa korte at huwag na sa PNP.
Matatandaan na idineny noon ni Baldo ang pagkakasangkot sa nasabing pagpatay kay Batocabe.