National News
Dating COMELEC Comm. George Garcia, itinalagang bagong chairman ng poll body
Nabigo man na makalusot ang appointment ni Atty. George Garcia bilang komisyuner ng Commission on Elections (COMELEC) noong nakaraang Kongreso ay nabigyan ulit ito ng posisyon sa komisyon.
Ito ay matapos siyang italaga ni Pang. Bongbong Marcos Jr. bilang chairman ng COMELEC.
Sa isang statement, sinabi ni Press Sec. Atty. Trixie Cruz-Angeles na isinumite na ng pangulo ang nominasyon ni Garcia sa Commission on Appointments.
“The president has appointed Mr. George Erwin Garcia as chairman of the Commission on Elections. He has submitted Mr. Garcia’s name to the Commission on Appointments as required by law,” ani Press. Sec. Atty. Trixie Cruz-Angeles.
Matatandaan na appointee ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Garcia bilang COMELEC commissioner pero na by-pass ng CA ang appointment nito sa mga huling araw ng sesyon ng Kongreso.
Hirit ni Senate President Migz Zubiri noon na maibigay kay Pangulong Marcos ang pagkakataon na makapamili ng mga bagong opisyal sa ilalim ng kaniyang administrasyon bilang courtesy.
Sa huling araw ng sesyon ng Kongreso ay wala pa sa 8 CA member ang sumipot ng CA hearing kaya na by-pass ang appointment ni Garcia at ng iba pang appointee ni Pang. Duterte.
Sinabi naman naman noon ni Garcia, na kung magkakaroon siya ulit ng pagkakataon na makapaglingkod ulit ay 10 beses niyang pipiliin ang COMELEC.
“Kung pagbibigyan ako ng pagkakataon maglingkod muli, 10 beses kong pipiliin ang COMELEC,” ani Atty. Garcia.
Sa ngayon ay wala pang bagong pahayag si Garcia.
