National News
Dating Paranaque jail warden, itinalagang bagong BuCor Director General
NAGTALAGA na si Pangulong Rodrigo Duterte ng bagong Bureau of Correction o BuCor Director General.
Ito ay sa katauhan ni dating Manila at Parañaque City Jail Warden Gerald Bantag.
Si Bantag ang papalit kay dating BuCor Chief Nicanor Faeldon na sinibak sa puwesto ng pangulo kasunod ng kontrobersya sa pagpapatupad ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, napili ni Pangulong Duterte si Bantag dahil sa kanya umanong professional competence at katapatan.
Kumpiyansa ang Malakanyang na ipagpapatuloy ni Bantag ang kampanya ng Duterte administration laban sa korupsyon sa kanyang pamumuno sa BuCor.
Si Bantag ay nahaharap sa 10-counts ng murder kasunod ng nangyaring pagpapasabog sa Parañaque City Jail noong 2016 kung saan sampu ang nasawi kasama ang dalawang Chinese nationals na may illegal drugs case.
Maliban kay Bantag, pinaaresto rin ng korte ang dalawa pang jail officers dahil sa nasabing pagpapasabog ng granada.