National News
Dating Sen. Trillanes at iba pang nasangkot sa sedition case, ipinaaaresto na
Naglabas na ng warrant of arrest ang Quezon City Metropolitan Trial Court branch 138 laban kay dating Senator Antonio Trillanes IV at iba pa na nahaharap sa kasong conspiracy to commit sedition.
Nag-ugat ang kaso matapos nilang inakusahan si Pangulong Rodrigo Duterte at kanyang pamilya na sankot umano sa kalakaran ng iligal na droga.
Kabilang sa mga kinasuhan sa sina Peter Advincula, na nagpakilalang alyas “Bikoy” sa viral video na “Ang Totoong Narcolist”; Jonnell Sangalang; Yolly Villanueva Ong; Vicente Romano; JM Saracho; Boom Enriquez; isang alyas “Monique”; Fr Flaviano Villanueva; Fr Albert Alejo; at Eduarto Acierto.
Nagpakalat umano si Trillanes at nasabing mga personalidad ng malisyoso at maling impormasyon para magalit ang taong bayan sa Pangulo.
Magugunitang napanuod sa lumabas na video ni Bikoy nuong April 2019 na idinawit nito si Duterte at pamilya sa iligal na droga at mayroon din umanong naitagong financial records ng mga drug syndicates na mayroong transaksyon sa Duterte family pero kalaunan ay kumambiyo o bumaligtad si Advincula at idiniin naman ang mga nasa oposisyon na may pakana umano sa naturang video.
Samantala iginiit naman ng DoJ panel of prosecutors na siyang nagsagawa ng preliminary investigation na batay sa Article 141 ng Revised Penal Code ay malinaw na may mga nilabag na batas sina Trillanes at iba pa.
Samantala tatlo sa kanila ang agad na naghain ng piyansa na tig-sampung libong piso ang bawat isa.
