National News
Department of Agriculture, aminadong malaki ang problema ng hoarding sa Bansa
NANINIWALA ang Department of Agriculture na matindi ang problema ng hoarding sa Bansa at iginiit na walang kinalaman ang Rice Tarrification Law kaya bumaba ang presyo ng palay ng pito hanggang sampung piso kada kilo sa ilang mga probinsya.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, mayroong nananamantala sa sitwasyon kung saan ay iniipit ang suplay ng bigas na nabili ng mga traders at millers noon pa man.
Tinukoy ni Dar ang ilang traders at millers na marami nang nabiling bigas bago pa man umiral ang Rice Tarrification Law o RTL.
Sa kabila nito, tiniyak ni Dar na may mga paraan o mekanismo na silang ipatutupad para mapangalagaan ang kapakanan ng mga local na magsasaka.
Magsasagawa rin aniya sila ng mga surpresang pag-inspeksyon sa mga negosyanteng magbibigas para hikayatin ang mga ito na ilabas na sa merkado ang mga stocks nilang bigas.
Babala ni Dar, mananagot sa pinakamabigat na parusa ng batas ang mga indibidwal na mapatutunayang sangkot sa hoarding ng bigas.