National News
DepEd at DOH, palalakasin ang school immunization
Nagkasundo ang Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH) na magtulungan para mapalakas ang “Oplan Kalusugan sa DepEd”.
Layunin nito ang paigtingin ang mga programa para sa kalusugan ng mga bata sa paaralan.
Kabilang sa mga napag-usapan ng dalawang ahensya ay ang patungkol sa immunization, nutrition at mental health ng mga bata.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, importante ang school-based immunization kabilang na ang HPV (human papillomaviruses) vaccination sa mga batang babae.
Pagtutuunan din nila ang feeding program para sa mga bata na may problema sa malnutrisyon.
Para naman sa mental health ng mga bata, napagkasunduan ni Herbosa at Education Sec. Sonny Angara na magkaroon ng mga aktibidad sa arts, sports at iba pa.
Samantala, mismong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang magbabayad sa pagpapagamot ng indigent dengue patients na naka-confine sa kanilang state-run hospitals.
Sa pahayag ng BARMM, katuwang nila sa programang ito ang Ministry of Health, provincial offices at government hospitals ng kanilang autonomous region.
Sa pinakalatest update, mahigit isang daan na ang dengue cases na naiulat sa iba’t ibang probinsya at tatlong component cities sa BARMM.
Kasabay nito ay inilunsad na rin ng BARMM ang isang awareness campaign laban sa dengue.