National News
Depinisyon ng fully vaccinated, ipinanawagan ng isang mambabatas na baguhin
Iminungkahi ni Iloilo Rep. Janette Garin kina Pangulong Bongbong Marcos at Health Officer in Charge Rosario Vergeire na baguhin ang depinisyon ng “fully vaccinated” kung saan isama dito ang unang booster shot upang mahimok ang publiko na magdagdag ng kanilang bakuna laban sa COVID 19 virus.
Ang mungkahi ay ginawa ni Garin na isang doctor at bihasa sa advanced vaccinology kasunud na rin ng mababang booster population ng bansa na nasa 21.76%.
Aniya, sa kabila ng bukas ang Department of Health at Local Government Units sa pagpapabakuna ay mabagal at kakaonti ang turnout dahil naging kampante na ang karamihan sa natanggap nilang primary series o ang unang dalawang covid vaccine.
Ani Garin, ang nakikita niyang problema sa low booster rate ng bansa ay sa messaging dahil akala ng nakakarami na kapag naka-dalawang dose na ay full vaccinated na.
“Hindi tayo nagiging transparent hindi tayo nagiging buo sa desisyon na ang katotohanan nung pumasok yung delta at dumagdag pa yung omicron variant at sub variant ang isang fully vaccinated person ay iba na ang naging depinisyon,” saad ng mambabatas.
Naniniwala si Garin na kung lilinawin ng pamahalaan na hindi pa maituturing na fully vaccinated sa unang dalawang covid dose ay mas mahihikayat ang publiko na magpabakuna at mas mapapabilis ang pagkamit ng bansa sa herd immunity na nawala nang pumasok ang omicron variant.
