National News
Desisyon ng pamahalaan na babaan ang 6-M housing target, ipinaliwanag ng NEDA
Nagpaliwanag ang National Economic and Development Authority (NEDA) tungkol sa desisyon ng pamahalaan na babaan ang housing target ng administrasyong Marcos.
Ayon sa NEDA, ang 6-M housing units na unang target ng gobyerno ay makakaapekto sa pagbibigay ng pondo sa ibang sektor.
Inamin ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) na hindi nila kayang abutin ang target na magtayo ng 1-M housing units taun-taon o anim na milyong pabahay hanggang 2028 sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa mga Pilipino o 4PH project ng gobyerno.
Sa panig naman ng NEDA, ipinaliwanag ni Secretary Arsenio Balisacan na hindi kaya ang naturang housing target dahil maaari itong makaapekto sa ibang sektor “Ang sabi natin was hindi kaya because it can impact other sectors because the program requires subsidizing the beneficiaries because the targeted beneficiaries are the low income households ‘no and it involves giving subsidy interest subsidy to the loan and that’s borne by government ‘no.”
Ito aniya ay kung titingnan ang implikasyon nito sa ekonomiya partikular na sa mga isyu sa pananalapi.
Idinagdag pa ng kalihim na habang naglalagay ang pamahalaan ng mas maraming pera o pondo rito, tiyak na magdudulot ito ng mas kaunting mga mapagkukunan para sa edukasyon, kalusugan, at mga imprastraktura.
Kaya naman, ani Balisacan, kailangang balansehin ang lahat upang matiyak na hindi maaapektuhan ang ekonomiya dahil sa ngayon ay pinapanatili pa rin ng gobyerno ang programang pabahay ngunit hindi na sa antas na orihinal na target nito “So, we are still keeping the program but not at the level that was originally introduced but still very significant and it’s going to contribute to additional jobs.”
Una nang inanunsyo ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar na mula sa 6-M housing units, ay 3-M pabahay na lamang ang inaasahan nilang magagawa sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Nabatid na ang ipinangako ng gobyerno na 1-M housing units kada taon ay 140-K lamang ang naitayo.
Kabilang sa naging hadlang sa housing project ang mabagal na pagpapalabas ng pondo mula sa pribadong sektor na tumutulong sa proyekto.
Saad ni DHSUD Sec. Jose Rizalino Acuzar, “Matagal nga eh, kaya nga iyong ipinangako namin na one million, ang nangyari 140-K lang kasi nga ganoon katagal iyong funding kapag ginawa mo itong private sector money.
Ang unang problema iyan, sinasabi ko nga sa iyo, pondo, eh lahat ng project natin, pera ang kailangan. Ngayon, ano ang kailangan naming gawin? So, humanap kami ng mga formula, kamukha ng interesante, lahat-lahat, nabuo na. Magbibigay na iyong gobyerno ng interest subsidy, pumayag na iyong Pag-IBIG nagkasundo-sundo na kami. Ang isang problema namin iyong magtatayo, iyong construction.”
Naging hamon din sa pagtatayo ng housing units na ito ang available na lupang pagtitirikan bunsod ng pahirapan na makahanap sa mga urban areas.
