National News
Diosdado Peralta bagong Supreme Court Chief Justice
Nagtalaga na ng bagong Chief Justice ng Supreme Court si Pang. Rodrigo Duterte.
Ang itinalagang ika 26 na Punong Mahistrado ay si Chief Justice Diosdado Madarang Peralta bilang kapalit ni dating Chief Justice Lucas Bersamin na nagretiro nitong nagdaang October 18.
Nabatid na si Chief Justice Peralta ay tubong Laoag City, Ilocos Norte at nagtapos ng abogasya sa University of Santo Tomas College of Law.
Nagsimula ang career sa gobyerno ni CJ Peralta bilang prosecutor ng Maynila hanggang sa naging Judge ng Quezon City Regional Trial Court.
Umakyat ang posisyon nito sa pagiging Justice ng Sandiganbayan noong 2002 nang ipuwesto siya duon ng nuon ay Pangulong Gloria Arroyo na kalaunan ay naging Presiding Justice hanggang naitalaga siya sa korte suprema noong January 13, 2009 bilang Supreme Court Associate Justice.
Magugunitang si CJ Peralta ang ponente o nagsulat ng kontrobersiyal na desisyon ng korte suprema na nagpahintulot na mailibing sa Libingan ng mga Bayani si dating Pangulong Ferdinand Marcos noong November 2016.
Bukod diyan ay miyembro noon ng Sandiganbayan special division si Peralta na naghatol ng guilty noong 2007 kay dating Pangulong Joseph Estrada dahil sa kasong plunder.
Halos dalawa at kalahating taon na manunungkulan si Peralta bilang Chief Justice dahil magreretiro siya sa March 2022 sa edad na 70.
Matapos naman ng anunsyo ay sinikap ng mga mamamahayag na makapanayam si CJ Peralta pero tumanggi muna ito sa media interview.
*Photo courtesy: SC PIO