National News
DOH Sec. Duque, pinabababa sa pwesto ng mga senador
Pinagbibitiw na sa pwesto ng ilang senador si Health Secretary Francisco Duque III.
Ito ay dahil sa umano’y “failure of leadership, negligence, lack of foresight and inefficiency ng kalihim sa gitna ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) crisis sa bansa.Batay sa inihaing Senate Resolution no. 362 na nilagdaan ng 14 na senador, sinabi ng mga ito na nagkaroon ng kapabayaan si Duque at hindi naging epektibo ang pagtupad nito sa tungkulin.
Nakasaad sa resolusyon na ang mga pagkukulang ni Duque ay nagresulta sa mahinang plano para sa COVID-19 crisis, kawalan ng transparency at misguided o pabago-bagong mga polisiya.Ito anila ang dahilan kaya nalalagay ngayon sa panganib ang buhay ng mga healthcare workers sa bansa, mga frontliner at ang mamamayang Pilipino.
Partikular naman sa mga lumagda sa nasabing resolusyon ay sina Senate President Vicente Sotto III, Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, Majority Leader Juan Miguel Zubiri at sina Senador Sonny Angara, Nancy Binay, Grace Poe, Manny Pacquiao, Sherwin Gatchalian, Francis Tolentino, Joel Villanueva, Ronald “Bato” Dela Rosa, Imee Marcos, Lito Lapid, Ramon “Bong” Revilla Jr. at Panfilo Lacson.
Malakanyang, nanatiling blangko sa inisyatibong pinagbibitiw sa pwesto si Health Sec. DuqueWalang kinalaman ang Malakanyang patungkol sa inisyatibong pagpapa-resign kay Health Secretary Francisco Duque III.
Ito ang iginiit ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque sa gitna ng panawagan ng ilang senador na magbitiw na ang kalihim dahil sa kabiguan umano nitong pangasiwaan ang kinakaharap na krisis dulot ng COVID-19.
Gayunpaman, ani Roque, gaya ng paulit-ulit aniyang nasasabi sa mga nakalipas na panahon, na ang pagsisilbi sa bansa ng bawat cabinet member ay naaayon sa kagustuhan ng presidente.
Giit ng Palace Spokesman na hangga’t hindi tinatanggal ang isang cabinet member sa kanyang posisyon, nanatiling buo pa rin ang tiwala at kumpiyansa ng pangulo rito.