National News
DOJ, DILG at PNP, paiimbestigahan ng Senado sa Ombudsman
Inirekomenda ng Senate Committee on Foreign Relations sa Ombudsman na imbestigahan ang mga kalihim ng Department of Justice (DOJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Kaugnay ito sa pag-aresto at pag-detain kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasama rin sa rekomendasyon ang ilang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) gaya nina Chief Rommel Marbil at Nicholas Torre III ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ayon sa nabanggit na Senate committee, si DOJ Sec. Boying Remulla ay maaaring managot sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at grave misconduct.
Ito’y dahil pinayagan ng kalihim ang pagsilbi kay FPRRD ng walang bisang warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
Hinggil sa arbitrary detention at grave misconduct naman ang nais paimbestigahan ng komite para kay DILG Sec. Jonvic Remulla.
Pinagbabasedahan dito ang pag-utos ni Jonvic na arestuhin si FPRRD at i-detain sa Villamor Airbase bago tuluyang ilipad patungong The Hague, Netherlands kung saan ang headquarters ng ICC.
Sa 2 opisyal ng PNP, hinggil pa rin sa arbitrary detention at grave misconduct ang nais paimbestigahan ng Senado.
Samantala, si Special Envoy on Transnational Crime Markus Lacanilao ay paiimbestigahan din dahil sa usurpation of official functions, pagsisinungaling, at perjury sa pagdinig ng Senado.
