National News
DOJ, dumistansya sa isyu sa pagitan ni FPRRD at PBBM
Tumanggi ang Department of Justice (DOJ) na manghimasok o makialam sa umano’y tensyon sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay matapos tanungin ng ilang mamamahayag ang tugon ni DOJ Spokesperson Mico Clavano sa kung maaari bang kasuhan si Duterte dahil sa mga pahayag at akusasyong binitiwan niya noong linggo laban kay Marcos.
Ipinaliwanag ni Clavano na hindi nila prayoridad ang makisali sa isyu dahil maraming inaasikasong kaso ang DOJ, lalo pa at nakatutok sila sa mga reporma ng DOJ at Bureau of Corrections (BuCor), tulad ng decongestion o pagpapaluwag ng mga kulungan.
Ani Clavano, “We won’t comment prematurely. Marami pang kriminal na kailangang iprsecute. Marami pang trabaho sa DOJ na dapat gawin. So hindi kami madidistract diyan. Meron na tayong development plan na isinusulong ng Presidente at doon lang tayo iikot. Hindi tayo lalayo doon.”
Matatandaang inakusahan ni Duterte si Marcos na kabilang sa drug watchlist noong siya’y alkalde pa ng Davao City, bagay na itinanggi naman ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iginiit na kahit kailan ay hindi napabila si Marcos sa kanilang drug watch list.