National News
DOJ Sec. Remulla, hihingi ng paglilinaw kay ES Bersamin sa paninindigan ng bansa sa ICC issue
Gumugulong na sa Kamara ang resolusyon na naghihimok sa gobyerno na makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) para sa imbestigasyon nito sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Kung si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang tatanungin, kailangang pag-aralan ng mabuti ang naturang resolusyon.
Ang kailangan daw masagot dito ayon sa kalihim ay kung kailangang bumalik ang bansa sa pagiging miyembro nito ng ICC para sa imbestigasyon.
Punto kasi ng kalihim, hindi na miyembro ng ICC ang Pilipinas.
“Ang resolution ng house kasi tells us to work with the ICC, pero ang first question is why we’ll work with the ICC while we are no longer members of the ICC, di ba? ‘yun ang tanong e, so are we going to be members of the ICC first for these things to happen, ‘yan ang tanong marami kasong tanong it actually raises more questions than answers at this point in time kaya sabi ko nga kailangan namin pag-aralan ng masinop itong bagay na ito umatras na tayo sa ICC, ,malinaw na malinaw hindi na tayo miyembro, nagkalalaban na nga sa korte tungkol sa ating pag-atras sa ICC ngayon ang sinasabi ng kongreso marahil mag-trabaho tayo with the ICC,” ayon kay DOJ, Sec. Jesus Crispin Remulla.
Ayon sa kalihim, kailangan niyang malaman muna ang argumento ng resolusyon bago magbigay pa ng ibang opinyon sa issue.
Matatandaan na ilang beses nang sinabi ni Remulla na hindi na dapat mangialam ang ICC sa bansa dahil matagal na tayong kumalas sa kanila.
Mismong si Pangulong Bongbong Marcos Jr., sinabi nitong tapos na ang ugnayagan ng bansa sa ICC.
“I have to check in their arguments and in their discussions to understand the real score inside Congress on this matter. Ngayon may committee discussion today I don’t know hindi ko kasi na-monitor pa ‘yung nangyayri sa discussion nila pero palaisapan ‘yan sa ngayon kung paano natin tini-treat itong ganitong resolution ngayong hindi na tayo member sa ICC,” dagdag pa nito.
Sa ngayon, ay hindi pa raw nag-uusap si Pangulong Marcos at Sec. Remulla patungkol sa house resolution.
Pero ayon sa kalihim, hihingi ito ng paglilinaw bukas kay Executive Secretary Lucas Bersamin para malaman ang totoong stand ng ehekutibo sa naturang resolusyon sa Kamara.
“I intent to seek out the executive secretary tomorrow just be able to make sure that we have the same page on this matter siyempre humihingi tayo ng instruciton sa exec sec.”
“Ika-clarify lang kung may balak ba tayong maging miyembro muli ng ICC dahil sa ginagawa ng Kongreso, how it affects the whole universe of the ICC and the Phil gov’t as it is right now,” ani Sec. Remulla.