National News
DOTr, tiniyak maayos na serbisyo sa oras na matapos ang Metro Manila Subway Project
Tiniyak ng Department of Transportation ang maasahang serbisyo at tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa sandaling matapos na ang Metro Manila Subway Project.
Ito ay kasunod ng paglagda ng kasunduan sa pagitan ng DOTr at Manila Electric Co. o Meralco para sa pagtatayo ng pasilidad sa Valenzuela Depot ng Metro Manila Subway Project.
Nakasaad sa kasunduan na magbibigay ang DOTr ng mahigit 1,700 square meters na lupain para pagtayuan ng Meralco ng kanilang switching station na magbibigay ng sapat kuryente para sa buong linya.
Ang Meralco ang siyang mamamahala sa gastusin, pagtatayo, paglalagay at pago-operate gayundin ang control at maintenance ng nasabing pasilidad.
Magsisimula sa Valenzuela ang Subway at dadaan ito sa mga lungsod ng Quezon, Pasig, Makati, NAIA at Bicutan kung saan inaasahang magsisimula ang partial operation nito pagsapit ng taong 2028.