National News
DOTr, nanawagan sa mga unconsolidated PUV’s na huwag ng magpumilit pumasada
Nanawagan ang Department of Transportation (DOTr) sa mga pampublikong jeepney na bigong umanib sa mga kooperatiba na huwag ng magpumilit pumasada.
Ito ay dahil tapos na ang franchise consolidation para sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) noong Abril 30, kaya’t maituturing ng kolorum ang kanilang jeep.
Ayon kay DOTr Executive Assistant Jonathan Gesmundo, sa ngayon ay hindi pa huhulihin ang masisitang driver ngunit asahan na mabibigyan sila ng show cause order.
Bibigyan sila ng 2 linggo para magpaliwanag pero kapag hindi katanggap-tanggap ang kanilang dahilan at nagpumilit pa ring pumasada ay maari na silang hulihin ng ahensya.
Sa ngayon nasa mahigit 78% na ang mga PUV sa bansa ang nakapag-consolidate para sa nasabing programa ng pamahalaan.