National News
DOTr, tiniyak ang pagpapatuloy ng Libreng Sakay Program
Puspusan ang paghahanda ng Kagawaran ng Transportasyon para sa nalalapit na pagbubukas ng face-to-face classes.
Ayon sa DOTR, nagbigay na ng direktiba si sa mga opisyales ng kagawaran na siguraduhin ang patuloy na implementasyon ng Service Contracting Program at Libreng Sakay Program.
Ayon kay Sec. Bautista aabot sa P1.4 bilyong pondo ang kakailanganin ng DOTr upang maipagpatuloy ang free ride program para sa mga commuters hanggang sa Disyembre 2022.
Aniya kung kakailanganin ay hihingi sila ng karagdagang budget mula sa DBM at kay Pangulong Bongbong Marcos.
“Kung kailangan na-ting ituloy hanggang December 31, we will ask for additional budget from the Department of Budget and Management. So hihingi kami ng tulong sa Presidente para magkaroon ng ganyang budget dito sa DOTr,” ani DOTr Sec. Bautista.
Nagbigay na rin ng direktiba ang kalihim sa agarang pagmamahagi ng P1,000 fuel subsidy sa 617,806 qualified tricycle driver-beneficiaries.
Ipinag-utos din ni Bautista ang full deployment ng 550 buses sa EDSA busway lalo na tuwing rush hours.
Ayon sa DOTr, magkakaroon ng pagpupulong si Sec Bautista sa bus consortium na nag-ooperate sa EDSA Bus Carousel upang masiguro ang sapat na deployment ng mga bus
“The Transport Secretary is scheduling a meeting with the bus consortium operating the EDSA Carousel route and other concerned government agencies to ensure sufficient deployment of buses to accommodate increased passenger demand due to the F2F classes,” dagdag pa ng kalihim.
Dagdag pa ng kalihim na tinitingnan na nila ang mabilis na pagbibigay ng prangkisa sa halip na mga permit lamang para sa mga bus na bumabaybay sa mga kritikal na ruta na ginagamit ng mga estudyante tulad ng Katipunan, Commonwealth at Recto Avenue.
Matatandaan na inihayag ni Pangulong Bongbong Marcos na target ni Vice Pres. Duterte na ipatupad ang full implementation ng face-to-face classes sa Nobyembre kung saan magiging 100% na ang attendance ng mga bata sa eskwelahan.