National News
DPWH, inulan ng batikos at sumbat dahil sa palpak na flood control projects
Tila nalunod sa hiya ang kalihim ng Dept. of Public Works and Highways (DPWH) matapos itong ulanin ng batikos at sumbat mula sa mga senador.
Araw ng Huwebes, ika-1 ng Agosto nang usisain sa Senado kung bakit nagkaroon ng matindi at malawakang pagbaha sa Metro Manila at karatig na mga probinsya sa kabila ng bilyun-bilyong pisong pondo na inilalaan kada taon para sa flood control projects.
Sa kanyang opening statemment bilang Chairman ng Senate Comittee on Public Works ay ipinaalala agad ni Sen. Bong Revilla sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ang kanilang commitment noong nakaraang taon para solusyonan ang pagbaha.
Bukod kay Revilla ay hinanap rin nina Senador Imee Marcos, Nancy Binay, Joel Villanueva, Francis Tolentino, at JV Ejercito ang master plan ng mga ahensya ng gobyerno na dapat ay basehan ng mga programa para sa baha.
Lumutang din sa pagdinig na totoo nga na walang master plan o kabuuang plano para sa flood control projects sa Metro Manila.
Hindi rin daw integrated ang nabanggit na proyekto dahil ayon mismo kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, ang kada proyekto ay nakatutok lamang sa partikular na lugar o ilog.
Napaamin rin ni Senadora Imee Marcos si Bonoan na ang 5,500 flood control projects na ipinagmayabang ni Marcos Jr. sa ikatlo niyang SONA ay maliliit lamang na mga proyekto.
Sa katunayan nga ay wala nang budget na nakalaan para sa malalaking flood control projects mula pa noong 2023.
Sa huli, sinabi ni Revilla na tutukan niya ang budget ng DPWH para sa taong 2025 para matiyak na mapupunta ito sa pinaglaanang proyekto. Kapansin-pansin kasi na walang major o malalaking flood control projects at maging request ng mga bagong dredging equipment.
