National News
Driving subject, inirekomendang isama sa curriculum sa mga eskwelahan sa bansa
Iminungkahi ng National Center for Commuters Safety and Protection (NCCSP) sa Department of Education (DepEd) na ikonsidera ang pagtuturo ng driving lesson sa mga estudyante.
Ayon sa grupo, mainam na sa maaga pa lang ay batid na ng mga mag-aaral ang mahahalagang panuntunan sa paggamit ng lansangan at maiwasan ang anumang disgrasya na posibleng magdulot ng pinsala sa buhay.
Ayon kay NCCSP Chairperson Elvira Medina, maaaring isama ang asignaturang ito sa 4th year high school o sa K-12 program ng pamahalaan.
Matatandaang sunud-sunod naman ang mga insidente ng road rage, mabilis na pagpapatakbo ng mga sasakyan, at iba pang road-related accidents at incidents, kaya’t kailangan itong mapigilan sa ilalim ng maayos na transportation policy gaya ng sa ibang bansa.
Para naman kay LTOP Vice President Leonard Bautista, malaking bentahe ang maagang kaalaman para sa mga mag-aaral sa usapin ng responsable at disiplinadong paggamit ng kalsada o lansangan upang maiwasan ang mga aksidente.
Sa ngayon, nananatiling hamon ang mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila at sa iba pang parte ng bansa dahil na rin sa tumataas na bilang ng mga sasakyan kasabay ng pagtaas ng populasyon sa bansa.
