National News
DSWD, humirit pa ng dagdag na pondo dahil sa sunod-sunod na kalamidad
Hindi pa rin tapos ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng sunod-sunod na kalamidad.
May ilang lugar din sa Camarines Sur sa Region 5 ang hanggang ngayon ay lubog pa rin sa tubig-baha dahil sa ulan na hatid ng nagdaang bagyong Kristine na pinalakas pa ng bagyong Leon.
Kabilang ang Bula, ilang bahagi ng Minalabac, Milaor, San Fernando, Gainza at Camaligan.
Kaya, papalo na ng higit P166 bilyon na humanitarian assistance ang ipapaabot sa mga biktima ng kalamidad sa ibat ibang bahagi ng bansa.
Pero, hindi pa rito natatapos ang problema ng ating bansa sa masamang panahon.
Binabantayan na rin kasi ang posibleng epekto ng bagyong Marce na maaari ring manalasa sa mga lugar na dinaanan ng bagyong Kristine.
‘Yun nga lang at nasa mahigit P107 milyon na lamang ang standby funds ng DSWD na tutugon sa pangangailangan sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Ayon kay DSWD spokesperson ASec. Irene Dumlao, “We have also requested for augmentation support already from the Department of Budget and Management and currently ay under review na ito.”
Paliwanag ni DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, umabot na sa 50 porsyento ng kanilang Quick Response Fund ang nagasta sa pamamagitan ng mga family food packs.
Kaya, hinihiling nilang madagdagan ang kanilang QRF ng P875 milyon na makatutulong para sa kanilang paghahanda para sa mga hinaharap na hakbang sa pagtulong.
“So, depende doon sa pangangailangan ng mga field office ‘yung itatagal nung standby funds. Dito naman sa Central Office we hope we could have their replenishment already so that we can sustain ang production.”
Una na ring inamin ni Marcos Jr. na ubos na ang pondo para sa QRF ng gobyerno na itutulong sa mga kababayan dahil daw sa sunod-sunod na mga kalamidad.
Pero, sabi ng DBM – mayroon pa raw’ng P7 bilyon na contingency funds sa ilalim ng Office of the President.