National News
DSWD, inamin na maaaring hindi sapat ang P15-K para sa apektadong rice retailers
Inamin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na posibleng hindi nga sasapat ang ibibigay nilang P15-K na ayuda para sa bawat apektadong small-time retailers dahil sa ipinatutupad na price ceiling sa bigas.
Binigyang-diin lang ni DSWD Asec. at Spokesperson Romel Lopez sa panayam ng Sonshine Radio na maaaring makatutulong na kahit papaano ang nabanggit na ayuda.
Nilinaw ng DSWD na nakasaad sa nilagdaang EO No. 39 kaugnay sa price ceiling ay one-time big-time na ang ayudang P15-K para sa retailers.
Subalit sinabi rin nito na maaaring magbigay ng second wave ng ayuda depende sa desisyon ng executive branch, mga mambabatas at economic managers.
Sa ngayon ay target na maibigay ang P15-K ayuda sa retailers sa susunod na linggo ngunit kung kakayanin ay ngayong linggo na.