National News
DSWD, inilunsad ang ‘Kaagapay’ portal laban sa scams
Upang masugpo ang lumalaganap na public solicitation scams, inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Kaagapay Donations Portal, isang online platform na nagsisilbing gabay sa publiko sa pagbibigay ng donasyon sa mga lehitimong charitable organizations.
Sa pamamagitan nito, mas madali nang matukoy ang mga rehistrado at awtorisadong Social Welfare and Development Agencies (SWDAs) na may pahintulot na tumanggap ng donasyon.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Marie Rafael, malaki ang maitutulong ng portal upang maiwasan ang panloloko gamit ang pekeng solicitation drives.
Bukod dito, tiniyak niya na ang lahat ng donasyong idadaan sa Kaagapay Portal ay direktang mapupunta sa mga tunay na nangangailangan.
Para sa disaster response, tanging cash donations lamang ang tatanggapin sa portal sa pamamagitan ng secure digital transaction channels, habang ang in-kind donations tulad ng pagkain at damit ay maaaring ipadala sa mga DSWD-run centers at accredited SWDAs.
Sa hakbang na ito, hindi lamang nagiging mas ligtas at maayos ang proseso ng pagbibigay, kundi natitiyak din na bawat tulong ay makararating sa tamang destinasyon.
