National News
Duque, hindi dapat tanggalin bilang kalihim ng DOH – Enrile
Hindi pinaburan ni dating Senador Juan Ponce Enrile ang ginawa ng ilang senador na pababain sa pwesto si Health Secretary Francisco Duque III.
Aniya, hindi dapat magpalit ng tauhan sa gitna ng krisis na kinakaharap ng bansa lalo na’t usaping pagkalusugan ito.
“Dapat dahan-dahan sila diyan. Sino ngayon ang pipiliin nila na maging Secretary of Health? In the middle of a problem, magpapalit ka ng tauhan, pag-aaralan yang sistema ulit. You start from ground zero. Kalokohan ‘yan. At si Secretary Duque, magaling na doctor yan. He manages hospitals. Marami nang dinaanang panahon yan sa trabaho na yan.”
Depensa pa ng dating senador, walang papalit kay Duque na may kakayahan na punan ang mga pangangailangan din ng pagiging isang health secretary.
“Yung bang ipapalit nila kay Duque may vaccine na ba na gagamitin? Meron na ba siyang logistical force for mga mask, yung mga respiratory equipment?Anong kapangyarihan niya para masaway ang mga pasaway, ayaw magpasaway?
Samantala, wala namang problema sa ginawang pagre-resign ni NEDA Secretary Director General Ernesto Pernia dahil maraming magagaling na ekonomista sa bansa.
“Okay lang yun. Marami yan. Maraming pwedeng humawak sa trabaho na ‘yan at maraming magagaling na ekonomista sa Pilipinas.