National News
Enrolled bill ng P5.024-T 2022 National Budget, napirmahan na ng Senado
Napirmahan na ng Kamara at Senado ang Enrolled bill o ang pinal na bersyon ng 2022 proposed budget na nagkakahalaga ng P5.024 trillion.
Agad itong isinumite sa tanggapan ni Pang. Rodrigo Duterte para malagdaan at maging batas.
Isa ito sa mga inaasahang pagkukunan ngayon ng pondo ng pangulo para maayudahan ang mga naapektuhan ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.
Kamakailan ay sinabi ng pangulo na halos naubos na ang pondo ng national gov’t dahil sa COVID-19 pandemic.
“Ang nakahurot gyud sa atong kwarta ang COVID, ang atong para sa calamity wala na. Galing ang mga proyekto sa dili kaayo ontime, gikaltasan na lang nako, nakaipon ko gamay kwarta. “
Translation:
“Ang nakaubos talaga ng pera natin ay ang COVID. Ang para sa calamity fund wala na. Binawasan ko na lang ang mga para sa ilang proyekto. Nakaipon ako ng kakaunting pera.”
Ayon kay Senator Sonny Angara, ang chairman ng Finance Commitee, sa oras na mapirmahan ito ng pangulo ay nasa mahigit P20-B ang maaaring magamit para sa mga nasalanta ng bagyo.
Pero ayon dito, maaaring hindi ito sasapat dahil sa extent ng pinsala ng bagyo.
Si Senador Panfilo Lacson ay iminungkahi sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na agad na mag-convene para mapakilos ng mga miyembro ng gabinete ang iba’t ibang ahensya at magamit ang kanilang quick response funds (QRF) at iba pang pondo na available sa kanila.
Ang Office of Civil Defense (OCD) ay dapat aniyang makapagbigay ng inisyal na post disaster needs assessment (PDNA) sa mga lugar na pinadapa ng bagyong Odette upang magabayan si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpili na ipaprayoridad na tulungan.
Ang Department of Foreign Affairs (DFA) naman aniya ay dapat makipagpulong sa mga ambassador upang umapela ng tulong mula sa international community gaya ng ginawa natin pagkatapos ang pananalasa ng bagyong Odette.
“All these will help us to prepare for the possible spread of the Omicron variant of COVID-19. As I have repeatedly stressed, the judicious spending of funds based on accurate data is the key”, ani Sen. Panfilo “Ping” Lacson.
Samantala, kanya-kanya na ring relief operations ang ginagawa ngayon ng mga senador
Si Senator Bong Go ay laging kasama ang pangulo sa pag-iikot at paghahatid ng tulong sa mga nasalanta.
200 sako ng bigas naman ang binihagi ni Sen. Migz Zubiri sa Iloilo Province, Iloilo City, Province of Negros Occidental, Bacolod City, Kabankalan City, Province of Negros Oriental, Cebu, Bohol,Agusan Del Norte, Surigao del Norte, Butuan City, and Cagayan de Oro.
Nagdonate din ito ng 1,200 evacuation tents sa Negros Occidental, Negros Oriental, Cebu, at Cagayan de Oro para sa mga nawalan ng tirahan.