National News
Epekto ng suspensyon sa pamimili ng palay ng NFA, pinangangambahan ng isang grupo
Naglabas ng pananaw ang ilang miyembro ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Incorporated (PCAFI) sa gumugulong na imbestigasyon ng Department of Agriculture (DA) ukol sa maanomalyang pagbebenta ng National Food Authority (NFA) ng buffer stock ng bigas.
Pangamba ni Danilo Fausto, presidente ng grupo kung makabibili ba pa ang NFA ng palay sa mga lokal na magsasaka gayong maraming NFA warehouses sa bansa ang sarado ngayon.
Lalo’t marami na aniyang magsasaka ang nag-aani ng palay ngayong harvest season.
“Ang worry namin kasi kapag binarat kasi ay bababa ng below P20 ‘yan walang tatakbuhan ang farmers. Kapag kasi may NFA hindi makaporma ‘yung trader may pupuntahan eh, may pupuntahan ‘yung gobyerno kasi mamimili siya eh kahit kaunti lang ‘yung kaya niyang bilhin atleast namimili pa rin siya kaya ang trader nag-aano sila huwag masyadong ibaba,” ayon kay PCAFI, President, Danilo Fausto.
Dagdag nito, kinumpirma rin sa kanya ng NFA na bagamat may mga warehouse ng sarado ay may ilang branches pa rin naman ng NFA na bukas ang namimili pa rin ng palay.
Nasa P19 pa rin ang bili ng NFA sa fresh palay habang P23 naman sa dry palay.
Sa ibinahaging datos sa SMNI Newsteam ng isang kilalang source mula sa NFA, aabot sa 98 food security warehouses nationwide ang naka-padlocked na.
Pero, para naman kay Ernesto Ordonex, Chairman ng Alyansa Agrikultura hindi dapat muna daw sinuspinde ng Office of the Ombudsman ang mahigit 100 empleyado ng NFA.
Sinubukan ng SMNI Newsteam na makuha ang panig ng Office of the Ombudsman hinggil dito pero wala pa itong tugon.
Ang DA naman ay pinamamadali na ang internal audit at imbestigasyon ng independent review panel kaugnay sa kontrobersya.