National News
Ex-WESCOM Chief Carlos, nilinis ang pangalan sa sinasabing new model agreement
Matapos ang ilang linggong personal leave na ginawa ni dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command (WESCOM) Chief Alberto Carlos ay nagpakita ito sa ginawang pagdinig ng Senado at pinabulaanan ang umano’y new model agreement ng bansa kasama ang China.
Ayon kay Carlos, wala siyang pinapasok na kahit na anong kasunduan kasama ang China.
“I did not forge any agreement at the level and magnitude that would bind our two countries for the long term and redefine foreign policy. I am only the commander of the Western Command and not even of the entire West Philippine Sea,” ayon kay Ex-WESCOM Chief, Alberto Carlos.
Ayon dito, nagtagal lamang sa 3 hanggang 5 minuto ang phone call conversation nito sa Chinese military attaché.
Ito aniya ang unang tumawag sa kaniya at ang tanging napag-usapan nila sa isang casual na paraan ay kung papaano maiibsan ang tensyon sa West Philippine Sea (WPS) sa ilalim ng kanilang rotation and reprovisioning (RORE) operation.
“I did not initiate the call… We talked about how to reduce the tension in the West Philippine Sea, particularly during our rotation and resupply mission in Ayungin Shoal… coming from the December 2023 RORE where our supply ships were water cannoned and we were planning for our next RORE,” dagdag pa nito.
Sinabi naman ni Carlos, na hindi niya binigyan ng consent ang Chinese military attaché na i-record ang kanilang naging pag-uusap.
Hindi rin daw ito humingi ng permiso para sa recording.
Sa kabila nito, ayon kay Carlos, hindi naman sumama ang loob niya sa Chinese military attaché.
Sa ngayon ay nagsimula na ang National Bureau of Investigation (NBI) sa imbestigasyon nito kaugnay sa issue ng wiretapping.
Ang Philippine National Police (PNP) ay gagawa rin ng sarili nitong imbestigasyon sa pakikipag-ugnayan sa NBI.
Pero ayon sa NBI at PNP, hindi pa nila hawak ang naturang audio recording.
Nalaman naman na ang news article na naisulat kaugnay ng new agreement ay hinugot sa naging pahayag ng Chinese officials.
Sa pagdinig sa Senado, ay walang nakarating mula sa Chinese Embassy.
Magkakaroon pa ng susunod na pagdinig hinggil dito pero humirit si Sen. Robin Padilla na huwag nang padaluhin si Carlos sa susunod na inquiry.
“Hihingin ko sana, wala na si Adm. Alberto Carlos. Naipaliwanag niya kanina, casual ang pag-uusap. Tayo naman naniniwala lahat ang nandoon sa field, siguro natural lang ‘yan. Di para sa akin kasalanan kung mag-usap sila doon. Wala tayong formal declaration kaaway natin ‘yan. Sabi nga ng DOJ neighbor, wala tayong formal na away diyan. Para sa akin sa susunod wala na si Gen. Carlos dito sapagka’t sa aking palagay mas maganda kung sana ang ating kasundaluhan di na kasama sa ganitong pagdinig na patungkol sa espionage, wiretapping,” pahayag naman ni Sen. Robin Padilla.
Sinabi naman ng DFA na magkakaroon ng inner consultations sa maaari nilang gawin kaugnay sa wiretapping issue sa China.
