National News
FPRRD, nagbigay payo upang buksan ng COA ang book of accounts ng mga kongresista
May payo si dating Pangulong Duterte para mapilitan ang mga kongresista na buksan ang kanilang mga libro.
“Go to court, go to Supreme Court to compel COA to public, you cannot go to congress di ka papakingan dun,” ayon kay Former Philippine President, Rodrigo Roa Duterte.
Pinayuhan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Pilipino na dumulog sa Korte Suprema para manawagan sa Commission on Audit (COA) na buksan ang book of accounts ng mga kongresista.
Iyan ang sagot ni Duterte nang tanungin ng isang blogger kung anong dapat gawin upang mapilitan ang mga kongresista na buksan ang kanilang mga libro.
Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin tumatalima ang mga kongresista sa hamon ni Duterte na buksan ang kanilang libro at busisiin kung paano ginagamit ang pondo ng gobyerno.
At para maging patas, handa rin si Duterte na isapubliko ang kanyang book of accounts noong siya ay naging presidente, mayor at congressman.
“But if you compel COA to open the books of all including mine, during the presidency ko years, isali mo na para wala ng reklamo maski ‘yung akin lang iyong panahon ko, isali na ninyo; open the book ‘yung accounts ‘yung lahat na ‘yun. Isali na ninyo ‘yung years na congressman ako pati ‘yung presidente ako, buksan ninyo at i-publish natin,” dagdag pa ng dating pangulo.
Proud namang ibinahagi ni Duterte ang pag-unlad ng Davao City noong kanyang termino at binigyang diin na kailangan talaga ito ng pondo.
Ani Duterte, bilang mamamayan, karapatan daw natin mag-demand na isapubliko kung saan ginagastos ang pondo ng gobyerno dahil pera ito ng taumbayan.
Normal lang din aniyang maghinala kung saan napupunta ang pera ng bayan at kailangan ito sagutin ng mga public servants.
