National News
FPRRD sa mga pulis: Kung hindi nyo kaya, magresign na lang kayo
Hinamon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa programang ‘Gikan sa Masa Para sa Masa‘ ng SMNI ang pulisya na magbitiw sa pwesto kung hindi nila kayang gampanan ang kanilang tungkulin.
Ito ay kaugnay sa 2 insidente na naganap sa Davao City.
Kamakailan lang ay isang riding-in-tandem ang nagtangkang hablutin ang isang babae sa Tamayong, Davao City, ngunit sa kabutihang-palad ay nakatakas ang biktima.
Samantala, patuloy parin ang panawagan ng hustisya ng pamilya ni Vlanche Marie Bragas, isang architect na ginahasa at pinatay noong Mayo 21.
Kasalukuyan paring hinahanap ng Davao City Police ang suspek, nag-alok naman si Davao City First District Rep. Paolo Duterte ng P1-M pabuya sa sinumang makakapagturo kung sino ang pumaslang sa biktima.
Ngunit ikinagalit ng dating pangulo ang mabagal na pagresponde ng mga pulisya sa nasabing insidente at hinamon sila na bumitiw na sa pwesto kung hindi nila kayang gampanan ang kanilang tungkulin.
Hirit pa ni dating Pang. Duterte, ang huling nais nitong gawin ay swelduhan ng taong bayan ang mga pulis na hindi ginagawa ang kanilang trabaho.
