National News
Duterte Senatorial candidates, may malinaw at taos-pusong hangarin na paunlarin ang bansa — PDP-Laban supporters
May kapasidad at malinaw na adbokasiya at hindi basta-basta hinugot lang ang mga kandidato ng Duterte Senatorial candidates ayon sa isang opisyal ng Hakbang ng Maisug.
Isa ang Brgy. Silangan sa Sta. Maria, Bulacan sa pinagdausan ng “Ayusin Natin ang Pilipinas” nationwide campaign rally.
Iba’t ibang sector mula sa iba’t ibang probinsya ang dumalo at nakiisa sa nasabing pagtitipon upang magbigay ng suporta sa mga kandidatong inindorso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Dala ang mga placard na may nakasulat na “Quiboloy sa Senado” ay buong pusong ipinamalas ng mga Bulakeño ang kanilang malakas na suporta kay senatorial candidate Pastor Apollo C. Quiboloy gayundin sa mga pambato ng PDP-Laban.
Sabi ng supporters, may malinaw at taos-pusong hangarin na paunlarin ang bansa ang mga kandidato ni dating Pangulong Rodrigo Duterte lalo na si Pastor Apollo.
Ani Jommel, supporter ni Pastor ACQ, “’Yung KOJC napatunayan namin na, silay nagtutulungan, nagkakaisa, napaunlad niya yung sarili nilang bansa, kunwari bansang kaharian.”
Sabi naman ni Verdel delos Santos, Regional Organizer ng Hakbang ng Maisug-TAPS Coalition, na ang talamak na problema sa korapsyon ang inilalaban ng aniya’y “lucky 9 senatorial candidates” ng PDP-LABAN.
“Sa ngayon po ang panahon na tayo ay nasa ilalim ng isang pamumuno na walang liderato, sa panahon na ang taumbayan ay naghahanap ng transparency, accountability, peace and security, ay naniniwala po tayo na nakikita ito ng ating dating presidente Rodrigo Duterte na kailangan natin ng lider, lider na handang bulabugin ang korapsyon.”
Binigyang-diin naman ni delos Santos na ang Team Duterte ay hindi basta-basta hinugot lang, giit niya, mayroong malinaw na adbokasiya at kapasidad ang mga ito na kinakailangan sa Senado.
“Nitong proclamation rally, binansagan ng administrasyon ang ating mga kandidato na parang pinagbili lang ng suka. Pero tama po ang sinabi ni Atty. Vic Rodriguez na ang suka ay kalaban ng tanso, ang suka ang kalaban ng pekeng ginto. At itong team na pinili ng ating dating presidente ay di basta basta hinugot lang.”
Samantala, sang-ayon naman ang opisyal ng Maisug sa pahayag ng senatorial candidate na si Pastor Apollo na napakaraming pulitiko ngayon pero walang lider ang bansang Pilipinas.
“Tama po si Pastor Apollo Quiboloy, mga pulitiko nalang, wala pong lider, dahil nakalagay po sa local government code — ang kapakanan ng taumbayan ang dapat manguna, ngunit ang nangyayari ngayon kapakanan ng pulitiko ang nangunguna, hindi nabibigyan ng atensyon kung ano talaga ang pangangailangan ng taumbayan.”
Para naman sa grupong KAKAMPI, nais nilang maluklok sa posisyon sa Senado ang PDP-LABAN slate dahil gusto nilang mabawasan at masawata ang laganap na krimen ngayon.
Ani Richard Sanchez, ang General Secretary ng Kaagapay ng Kababaihang Masang Pilipino Inc. (KAKAMPI), “Alam naman po natin ngayon na napakaraming patayan, napakaraming nakawan. Nais po naming ibalik ang slate ni PDP LABAN dahil alam namin, nagtitiwala po kami sa kanila na andoon ang tunay na pagbabago sa Pilipinas.”
Personal naman na nagpahayag ng suporta ang grupong KAKAMPI sa kandidatura ni Pastor Apollo C. Quiboloy.
Naniniwala ang grupo na isa sa makatutulong na maisakatuparan ang tunay na pagbabago sa Pilipinas ang KOJC leader.
Matatandaang pormal na ipinakilala at inendorso ni FPRRD ang siyam na kandidato ng PDP Laban na magpapatuloy sa pamumunong may ‘Tatak Duterte’.
Kabilang dito sina#10 Atty. Jimmy Bondoc, #22 Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, #28 Sen. Bong Go, #30 Atty. Jayvee Hinlo, #34 Atty. Raul Lambino, #38 Rep. Rodante Marcoleta, #53 Pastor Apollo Quiboloy, #56 Atty. Vic Rodriguez at #58 Phillip Salvador. Nanawagan din si dating Pangulong Duterte sa lahat ng Pilipino na suportahan at iboto si Pastor Apollo C. Quiboloy kasama ang iba pang senatorial candidates ng PDP laban.
Ang butihing Pastor ay nangako ng “continuity” sa mga programa ni FPRRD.
Isa sa pokus ng plataporma ni Pastor Apollo ang “zero corruption” dahil naniniwala siya na hindi pagpapalain ng Diyos ang ating bayan kung mayroong magnanakaw at mga tiwali sa pamahalaan.
Kasama ring itutulak ni Pastor Apollo ang pagkakaroon ng maraming trabaho, pagkakaroon ng National Super Highway System, ang kaniyang kampanya kontra iligal na droga at kriminalidad maging ang pagsugpo sa kahirapan.
