National News
Franchise consolidation sa ilalim ng PUVMP, hindi na palalawigin pa – PBBM
Wala nang extension ng franchise consolidation sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Ito ang inanunsyo ni Pangulong Bongbong Marcos sa gitna ng townhall meeting sa San Juan City nitong Miyerkules, ika-10 ng Abril.
Nauna nang inaprubahan ang pagpapalawig ng franchise consolidation noong Enero ngayong taon para mabigyan ng pagkakataon ang mga gustong mag-consolidate.
Inaprubahan naman ni Marcos ang rekomendasyon ni Transport Secretary Jaime Bautista noong Enero na nagbibigay ng karagdagang 3 buwan o hanggang Abril 30, 2024, para sa konsolidasyon ng mga pampublikong sasakyan.
Una nang hiniling ni Roberto ‘Ka Obet’ Martin ng Pasang Masda na tuldukan na sa katapusan ng Abril ang consolidation process.
“Ayan po ang aming jeepney sector almost 86 percent na po, mahal na pangulo, sa buong bansa ang nakapag-consolidate na. Kaniya po ipinararating po namin sa inyo, Kagalang-galang na pangulo na tuldukan na po ito sa Abril ng buwang kasalukuyan,” ayon kay Pasang Masda, National President, Roberto ‘Ka Obet’ Martin.
Kasabay nito, sinabi ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na ang mga public utility vehicles (PUV) na may kabuuang 190-K units, na binubuo ng UV Express, PUJs, mini-bus at bus, ay naka-avail ng consolidation.
Isinasagawa ng pamahalaan ang PUVMP upang matugunan daw ang mga lumalalang problema at mga pangangailangan na rin sa sektor ng transportasyon sa bansa.
“And kapag na-implement po natin na, maski iyong consolidation lang muna, ay magiging efficient po iyong operations ng ating mga jeepney dahil magkakaroon po ng tamang fleet management, tamang dispatch system, and susundin po nila iyong mga tamang standard para maging safe and comfortable iyong experience ng ating mga pasahero,” ayon naman kay DOTr, Sec. Jaime Bautista.
