National News
Gawain ng sindikato para pagkakitaan ang halalan, ibinuko ng COMELEC
Ibinuko ni Comelec Chief Atty. George Garcia ang mga istilo ngayon ng sindikato para kumita sa paparating na halalan.
Ayon sa Commission on Elections (COMELEC) chief, hindi kayang mani-obrahin ng kung sinong sindikato ang paparating na halalan.
Dalawang araw na lang ay bubuksan na ng COMELEC ang filing ng Certificates of Candidacy (COC) para sa mga interesado at kwalipikadong tumakbo para sa 2025 national at local elections.
Ayon kay Garcia, handa nang tumanggap ng COC ang kanilang mga election officers mula Senador hanggang Councilors sa October 01 hanggang October 08.
Pero bago pa man magsimula ang COC Filing, mayroon na raw sindikato ang nag-iikot sa buong bansa para pagkakitaan ang eleksyon at nagsasabing kaya nitong i-maniobra ang halalan at ipinalo ang isang partikular na kandidato.
Ayon kay Garcia, walang sinuman ang may kakayahang imaniobra ang resulta ng eleksyon.
“In 5 minutes, kaya daw po nila, depende ang presyo sa posisyon, dito nga po sa NCR ang offer ay 300M para sa kandidato for congressman.”
“Doon sa probinsya para panalunin ang kandidato for governor, 70M kilala daw nila si chairman, may kilala daw sila sa technology information dept ng Comelec o di kaya’y may kilala daw sila sa Miru Systems na kayang kaya raw nilang maniobrahin ang halalan.”
“Lahat po ng ‘yan ay kasinungalingan. Hinding hindi po mamaniobra ang halalan.”
Dagdag pa nito, simula noong 2010 ay wala pang napatunayan na may presintong nakapagpabago ng resulta ng halalan.
Kung pagbabatayan daw ang quick count ng Namfrel at PPCRV ay laging 99.9 percent daw itong accurate o tugma mula sa transmission results na kanilang nakukuha sa server.
Ayon pa kay Garcia, dahil bago na rin ang makinarya at sistema na gagamitin sa halalan ay malabong madadaya ang resulta ng halalan.
Ang mga sindikatong ito hindi daw uubra.
Sabi din ni Garcia na nakapagsulat na sila sa NBI hinggil sa mga gawain ng mga sindikato na lumalapit ngayon sa mga aspirant.
Paghihimok nito, na kung sila man ay lalapitan ng mga taong ito ay agad silang ipa-aresto sa mga awtoridad.
Tutulong aniya ang Comelec para sila ay mausig.
Doon sa mga nalapitan na at nakapagbigay ng bayad ay maaari namang magsampa ng kasong estafa.