National News
Gobyerno, pinaghahanda sa pagbabalik ni Donald Trump sa White House
Mahigit sa isang buwan simula ngayon ay uupo na sa pwesto si Donald Trump bilang ika- 47 na pangulo ng Estados Unidos.
Kasabay nito ay nagbabala si Senadora Imee Marcos sa posibleng pagpapalit ng foreign policy ng kilalang global superpower.
Si Senadora Imee Marcos, Chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, ay pinayuhan ang gobyerno na paghandaan ang posibleng pagbabago partikular na sa polisiya sa immigration, defense, at geopolitical na interes.
Ayon sa senadora, tinatayang nasa 200,000 undocumented Filipino ang nanganganib na ma-deport sa U.S. dahil sa campaign promise ni Trump na Mass Deportation.
Mahalaga aniya na agad ihanda ng mga kinauukulang ahensya ang gobyerno ang expanded reintegration programs, kabilang na ang skills training, livelihood support, at direct assistance para sa mga ma-deport.
Batay sa 2025 National Expenditure Program, ang DSWD ay may pondo lamang para sa 4,152 na mga distressed at undocumented overseas Filipino sa susunod na taon.
Samantalang noong nakaraang taon, 72,206 lamang na Overseas Filipino Workers ang natulungan ng Department of Foreign Affairs gamit ang Assistance to Nationals Fund at Legal Assistance Fund.
Dahil dito ay tanong ng senador kung ano ang mangyayari kung magiging triple ang bilang ng mga distressed OFW.
Ani Sen. Imee Marcos, “What will happen if the number of distressed overseas Filipinos suddenly triples? Are the government agencies prepared to rapidly and adequately respond to their needs?”
Bukod sa mass deportation ay sinabi rin ni Marcos na dapat paigtingin ang depensa ng Pilipinas at huwag umasa sa mga kaalyado.
Para kay Imee, ang Pilipinas na ang dapat gumagawa ng sarili nitong defense equipment o nag-asemble ng mga armas at huwag nang umasa sa mga foreign suppliers.
“In the end, no matter how many and how strong our allies are, we can only depend on ourselves, the Filipinos, to defend the Philippines.”
Nais din ng senadora na maging lider ang Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations o ASEAN.
Maganda aniya na pangunahan ng Pilipinas ang ASEAN Nations sa pagkakaroon ng malinaw na posisyon sa iba’t ibang issues tulad ng sa agawan ng territoryo sa West Philippine Sea.
“The Philippines must act now to secure our people, strengthen our defenses, and ensure we’re prepared for any shifts in global dynamics,”
“The world is changing fast, and we can’t afford to be caught unprepared.”
Ang Pilipinas, bilang kilalang malapit at matagal nang kaalyado ng Amerika, ay maaaring mamagitan para sa pagkakaroon ng panibagong hakbang na maaaring magpatibay ugnayan ng US at China.