National News
Hamas, gumagamit ng human shield kaya nadadamay ang mga sibilyan – Amb. Fluss
Binigyang diin ni Israel Ambassador to the Philippines Ilan Fluss na kaya napilitan ang Israel na lusubin ang Gaza ay patuloy rin ang teroristang Hamas at Hezbollah sa pag-atake sa sibilyang populasyon ng bansa nito.
Nilinaw nito na ginagamit na human shield ng Hamas ang mga Palestinian kaya naman ang mga naninirahan ngayon sa mga ospital at mga paaralan sa Gaza ay nasasali sa digmaan dahil doon rin nagtatago ang militanteng Hamas.
Ani Fluss, base sa international law, ang mga lugar na nagkakanlong ng terorista ay nagiging lehitimong target pagdating sa digmaan.
Ayon pa sa Israeli ambassador, kailanman ay hindi nito tinarget ang mga sibilyan, isang patunay nga rito ay ang pagpapalikas ng Israeli Defense Forces sa mga sibilyan na naninirahan sa mga lugar na naging target nito.
Malinaw rin aniya ang ebidensya na ginagamit ng Hamas ang mga mamamayan nito bilang proteksyon para maipagpatuloy ang mga pag-atake nito dahil kamakailan nga ay natuklasan ng mga tropa ng Israel sa Al-Shifa hospital ang mga armas na ginagamit ng Hamas.
Mayroon rin umanong isang bahagi sa ospital na ito na mayroong mga gamit ng bata na posibleng pinagtaguan nito sa mga na-hostage na sibilyan.
Ayon pa kay Ambassador Fluss, hindi sila nagsasagawa ng collective punishment sa mga Palestinian, kasunod ng pagkamatay ng libu-libong sibilyan sa Gaza.
Ang kanilang hakbang ay nakatuon lamang sa teroristang grupo na sa kasamaang palad ay namamahala sa Gaza at nakaupo bilang gobyerno nito.
Ang mga pag-atake aniya ng Israel sa Gaza ay kinakailangan upang mas maiwasan ang pagkamatay ng mas maraming sibilyan, kinakailangan ring maging agresibo ng Israel upang tuluyang mapahina ang pwersa ng mga terorista.
Hanggang ngayon ani Ambassador Fluss ay hindi pa rin kinikilala ng mga kalapit bansa nito ang Israel kaya nagpapatuloy ang panganib na kinakaharap nito.
Sa kasalukuyan ay umabot na nga sa higit 12,800-K katao ang nasawi sa digmaan sa pagitan ng Israel at teroristang grupo na Hamas.
