National News
Healthcare system sa bansa, dapat pataasin kasunod ng naitalang UK variant ng COVID-19
Dapat pataasin ang healthcare system capacity ng Pilipinas.
Ito ang iginiit ni Dr. Butch Ong ng UP Octa research team sa Laging Handa Public Briefing, kasunod ng pagka-detect ng bagong variant ng coronavirus (COVID-19) dito sa bansa.
“Ang mungkahi namin ay to increase the capacity of the national healthcare system…ibig sabihin……doktor at nurse…..maitalaga for COVID.”
Kailangan din aniyang pataasin ang testing capacity at paigtingin ang contact tracing efforts ng pamahalaan.
” We must also increase the testing capacity… We must also scale up our contact tracing efforts…..at passengers kung saan sila nakatira.”
Dagdag pa ni Dr. Ong, kailangang pataasin din ang kapasidad ng isolation facilities.
Dahil posibleng ma-overwhelm ang mga pasilidad hindi lang sa National Capital Region kundi lalo na sa metro cities ng iba pang probinsya.
Samantala, inihayag ni Navotas City Mayor Toby Tiangco na hindi hihinto ang LGU para sa libreng RT-PCR test ng lahat ng gustong magpa-COVID test na Navoteño.
Ibinahagi pa ng Navotas mayor na nasa 600 ang kapasidad ngayon ng RT PCR test ng lungsod at maaaring tumaas pa ito.
Ayon kay Mayor Toby Tiangco, “Pero ang pinakamahalaga kasi rito ay ang early detection. Kaya nga ginawa natin kaagad ang swab test doon sa ating mga employees. So ang local isolation facilities namin ay totally devoted ‘yan para roon sa mga close contact.”
Dagdag pa ng alkalde, tuloy-tuloy pa rin ang kanilang mahigpit na implementasyon ng pagsusuot ng face mask kapag nasa labas, social distancing, at iba pang minimum health standard.
Sa ngayon ang reproduction rate ng NCR ay naglalaro siya between 1.10 and 1.17.
Ibig sabihin, dapat mas maingat ang mamamayan ngayon lalo na sa NCR dahil umaakyat na nang kaunti ang kaso ng COVID-19 mula sa pagpasok ng bagong taon.
Batay sa obserbasyon ng octa research, sa NCR, nakikita nila ang pag-akyat ng COVID case sa Quezon City, Manila, Pasig, Parañaque, at Marikina.
Sa labas naman ng NCR, nakikita nila na tumataas ang numero sa Davao del Sur, Isabela, Quezon, Misamis Oriental, Pangasinan, Agusan del Sur, Negros Oriental pati na rin ang Cebu City at Zamboanga del Sur.
Gayunpaman, hindi pa masasabing may pagsipa ng COVID case dahil dahan-dahan lang umaakyat, o may kaunting uptick lang ng mga datos ngayon.
Dagdaga pa ni Dr. Butch Ong ng OCTA Research team, “Hindi pa natin masasabi na nasa surge level na tayo. However, knowing na nagkaroon ng mga mass gatherings lately, especially noong Traslacion ay maaaring umakyat nang bahagya ang R naught.”
